Patay ang isang angkas ng motorsiklo at kritikal ang rider sa insidente sa daan sa Negros Oriental.

Iniulat ng Unang Balita nitong Huwebes na pumailalim ang angkas ng motorsiklo sa dump truck, na sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, nangyari ang insidente sa Bayan ng Sta. Catalina. Dagdag pa ng mga awtoridad, nakainom umano ang mga biktima.

May nag-overtake pa umanong multicab sa dalawang nakamotosiklo kaya hindi napansin ng magkaangkas ang paparating na dump truck.

Nangsumalpok ang motorsiklo, nahulog ang angkas at pumailalim sa truck. Naputol umano ng kaliwang paa ang angkas at ang rider ay nadala pa sa ospital at nasa kritikal na kalagayan sa ngayon, ayon sa mga awtoridad.

Sumuko sa mga pulis ang driver na kinilalang si Jonathan Apan.

Hindi pa umano nagbigay ng pahayag and truck driver. Patuloy pang imiimbestigahan ang insidente. —LBG, GMA News