Arestado sa buy-bust operation ang 17-anyos na binatilyo sa Cavite na nakuhaan umano ng dalawang kilo ng marijuana.

Isinagawa ang anti-illegal drug operation sa bayan ng General Mariano Alvarez, kung saan nahuli ang binatilyo.

Nakatakas naman umano ang isa pang kasama nito, na umano’y supplier ng droga.

Tinatayang nagkakahalaga ng P40,000 ang nakuha sa kanya na halos dalawang kilo ng marijuana.

Bukod dito, nahulihan din ang suspek ng ilang drug paraphernalia, ayon sa mga awtoridad.

Umamin umano ang binatilyo na lulong siya sa droga.

Mananatili muna sa kustodiya ng mga pulis ang binatilyo habang hinihintay ang desisyon ng korte kung ilalagay siya sa pangangalaga ng DSWD. —LBG, GMA News