Lima ang sugatan, kabilang ang isang bata, nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa Dipaculao, Aurora. Ang dalawa sa mga biktima, nahulog at nalublob sa putikan.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabi ng mga awtoridad na dakong 6:00 p.m. nitong Miyerkules nang mangyari ang banggaan sa intersection ng farm to market road.

Kabilang sa nasugatan ang isang mag-anak na sakay ng isang motorsiklo,  kasama ang isang bata na siyam na taong gulang.

Tumilapon naman ang rider at angkas ng isa pang motorsiklo at nahulog sila sa putikan.

Dinala ang mga biktima sa ospital.

Sa Batangas City naman, nahuli-cam ang pagbangga ng isang van sa likuran ng sinusundan nitong tricycle.

Sa lakas ng pagkakasalpok, umikot ang tricycle at tumama pa sa pulang AUV na nasa kabilang linya ng kalsada.

Napag-alaman naman na walang lisensya ang driver ng van.

Sugatan ang tricycle driver pati na dalawang pasahero niya, na pumayag na lang makipag nagkaaregluhan sa nakabangga sa kanila. --FRJ, GMA News