Habang wala pang natutukoy na lunas ang mga siyentipiko at eksperto laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), tinuruan ng alkalde ng Lian, Batangas ang publiko na gumawa ng mabisa umanong pangontra laban sa sakit.

Sa panayam sa Dobol B sa News TV, tinawag ni Mayor Isagani Bolompo na "heaven's formula" ang napabalitang langis na ipinapahid niya sa noo ng ilang nasasakupan, sa kabila ng mga paalala ng ibang awtoridad na sundin ang "social distancing."

 

"Heaven's formula po iyan eh. Hindi naman po pilitan kung gustong gamitin," ayon kay Bolompo.

"Kaya sinabi kong heaven's formula, ang mga medicinal plants ang gumawa po niyan ay Panginoong Diyos katulad po ng coconut tree, kalamansi, luya, garlic. Lahat po iyan ay galing sa Diyos," dagdag pa niya.

Ayon sa 67-anyos na alkalde, isang basong langis, isang pirasong bawang, mga buto at dahon ng kalamansi lang daw ang mga sangkap sa paggawa ng "heaven's formula."

Kailangan umanong magpahid ng tatlong krus sa noo ng isang tao at sambitin ang maikling panalangin.

"Tatlong cross, Father, Son, Holy Spirit. Kung wala kayong COVID, ang sasabihin 'In Jesus' name protect from COVID.' Kung may COVID naman po kayo, 'In Jesus' name healed from COVID," bilin ni Bolompo.

Nang tanungin kung nababatid niya ang peligro na magkahawahan ang mga tao dahil sa ginawa niyang pagpapahid ng langis sa ilan, sinabi ng alkalde na tiniyak naman niyang may sapat silang distansya.

"Mahaba naman ang aking kamay, may one meter po. Alam ko naman 'yun. Ako po ay provincial health officer ng Batangas, 27 years ako sa Department of Health," ayon kay Bolompo.

Itinanggi naman ng alkalde ang mga paratang na kailangan munang magpapahid ng langis sa noo sa kaniya bago makakuha ng certification o quarantine pass sa kaniyang opisina.

"'Di totoo 'yun. 'Di pilitan," sagot ni Bolompo.

"Inirerespeto ko po 'yung protocol ng Department of Health at ng ating Presidente, stay at home," dagdag pa niya. —Dona Masino/LBG, GMA News