Sugatan at posibleng hindi na makapagmaneho ang isang ambulance driver sa Candelaria, Quezon matapos siyang barilin ng isang lalaki na naghihinalang nagsasakay siya ng mga pasyenteng positibo ng COVID-19. Nangyari ito kahit pa ipinaliwanag ng biktima mga frontliner lang ang kaniyang inihahatid.

Sa pahayag na inilabas ng Peter Paul Medical Center of Candelaria Inc. (PPMCCI) nitong Huwebes, mariin nilang kinondena ang karahasang sinapit ng kanilang ambulance driver at nanawagan ng katurungan para sa kaniya.

Ayon sa PPMCCI, naghahapunan dakong 8:45 p.m. ang biktima nang komprontahin ng suspek at igiit na hindi dapat papasukin ng subdibisyon ang ambulansiya dahil nagsasakay ito ng mga COVID patient. Gayunman, ipinaliwanag umano ng biktima na mga nagtatrabaho lang sa ospital ang kaniyang inihahatid at maayos na nililinis ang sasakyan para hindi kapitan ng virus.

 

PROTECT our FRONTLINERS ????????? Keep them safe ????????????

Posted by Peter Paul Medical Center of Candelaria Inc. on Thursday, April 2, 2020

 

Sa kabila ng paliwanag ng biktima, binaril siya ng suspek sa kamay.

"Our ambulance driver is the breadwinner of his family, who in these trying times where we are at war with COVID-19, chose to bravely perform his duty beyond what is required for the sake of the community and his fellow front liners," saad ng ospital.

Naiparating na umano nila sa Candelaria Police Station ang insidente.

"At the moment, we respectfully demand that justice be served and given. He is your frontliner as well," dagdag ng PPMCCI, kasabay ng apela sa publiko na unawain at magpakita ng malasakit sa mga health worker.

"PPMCCI strongly condemns discrimination and harassment of all health workers. Justice shall prevail and shall hold those accountable to the full extent of law," giit ng PPMCCI.

Kamakailan lang, isang nurse sa Tacurong City, Sultan Kudarat ang napinsala ang mata nang kuyugin siya ng nasa limang lalaki at sabuyan ng bleach dahil sa hinalang COVID-19 infected siya.

Dahil sa mga insidente ng diskriminasyon na nararanasan ng mga health worker, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Miyerkules sa Philippines National Police na protektahan ang mga frontliner.

“‘Yung mga taong gumawa ng gano’n, I am ordering the police to go around. ‘Wag kayong mag-istambay diyan sa istasyon. Maglakad kayo, tandem, at maghanap kayo ng mga taong bastos,” sabi ng pangulo sa mga pulis.

“Kung mahuli mo kung ano ‘yung binubuhos niya doon sa health worker, ibuhos mo rin sa kanya para tabla. Bakit, ikaw lang ba marunong? E ‘di tikman mo rin ‘yung ginagawa mo,” dagdag ni Duterte.--Jamil Santos/FRJ, GMA News