LUCENA CITY, Quezon - Pinalikas ng City Government ng Lucena City ang 46 household o 120 indibidwal sa Barangay Cotta matapos mag-positibo sa COVID-19 ang isang residente. 

Bagamat wala na sa lugar ang pasyente at ang mga nakasalamuha nito ay nais pa rin na makatiyak ng mga opisyal ng barangay na ligtas ang mga tao. 

Prone kasi sa impeksyon ang mga kapitbahay ng pasyente. Dikit-dikit ang mga bahay sa lugar at isa ito sa mga barangay na mataas ang populasyon.

Sa tulong ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ay maingat na inilikas nitong Linggo ng tanghali ang mga residente.

Isinakay sila sa mga sasakyan ng militar patungo sa Cotta National High School kung saan sila mananatili hanggang sa matapos na ang enhanced community quarantine sa buong Luzon. 

 

Inilikas nitong Linggo, Abril 5, 2020, ang 120 indibidwal sa Barangay Cotta, Lucena City, Quezon matapos may mag-positibo sa COVID-19 sa kanilang lugar. Dinala sila sa Cotta National High School kung saan sila mananatili hanggang matapos ang enhanced community quarantine sa Luzon. Peewee Bacuno

 

Ang city government na raw ang bahala sa mga inilikas. Wala raw dapat alalahanin sa pagkain ang mga ito. 

Ayon kay Navy Captain Arthur Taduran, CMO Officer ng SOLCOM, nais lang nilang ma-decongest ang lugar upang hindi na kumalat ng virus.

Kung sakali raw na lalo pang lumala ang problema ay gagawin din nila ito sa ibang barangay.

Pagdating sa evacuation center ay sinalubong ng isang pari ang mga residente upang bigyan sila ng spiritual guidance. 

Nitong Linggo ay umabot sa 3,246 ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Ayon sa Department of Health, 152 na ang namatay at 64 na ang naka-rekober sa COVID-19. 

BASAHINCOVID-19 Dashboard: Summary of Cases in the Philippines

—KG, GMA News