Hinarang ng awtoridad ang ilang motorista sa Rizal na walang maipakitang dokumento para payagang makalusot sa mga checkpoints sa gitna ng umiiral na lockdown sa lalawigan.

Ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa  24 Oras Breaking News ng GMA News nitong Lunes, hindi pinayagang makadaan sina Ronnie at Jason na maghahatid sana ng mga isda at gulay mula sa Quezon City.

Sabi nila hindi raw nila alam na nagpatupad na ng lockdown sa Rizal.

“’Pag umaga, deliver agad. Tapos inaabot kami ng gabi, sabay tulog na. Hindi na kami nakakanood ng balita,” paliwanag ni Ronnie.

Kalaunan, pinayagan din silang maghatid ng mga isda at gulay.

Hinarang din sa checkpoint ang motoristang si Verano na magsusundo ng kapatid na nagtatrabaho sa bangko.

Ayon kay Patrolman Bryan Sanchez ng Taytay Municipal Police Station, hindi raw nila papayagang makalusot  ang motorista kapag walang authorization letter na maipapakita mula sa bangko.

Nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng Rizal ng lockdown sa buong lalawigan simula nitong Lunes sa bisa ng executive order na pinirmahan ni Acting Governor Reynaldo San Juan Jr.

Samantala, hanggang ngayon ay nagpapagaling pa si Rizal Governor Rebecca Yñares mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“She's in stable condition. Maganda naman po ang kalagayan ng ating punong lalawigan so nagpapasalamat po kami sa ating kalalawigan na patuloy  na nagdadasal,” sabi ni San Juan.

Nakapagtala na ang Rizal ng 136 na kaso ng COVID-19 kasama ang 24 na pumanaw at lima na gumaling.

Sa ngayon, binabantayan ang nasa 10,020 persons under monitoring at 615 na persons under investigation sa lalawigan. —Joviland Rita/KG, GMA News