Bukod sa pagiging alkalde ng San Jose, Camarines Sur, nagsisilbi rin bilang duktor si Marco Chavez, dahil sa kakulangan nila ng rural health workers para harapin ang laban sa COVID-19.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabi ni Mayor Chavez, na naka-quarantine ang ilan nilang tauhan sa rural health unit matapos na magpositibo sa virus ang isa kanila.

"Kailangan ko pong kumilos bilang isang duktor at tumulong kung anumang puwedeng maitulong ko," anang alkalde.

Sabi pa Chavez, kailangan pa rin niyang gampanan ang kaniyang tungkulin bilang isang duktor para tulungan ang mga may karamdaman, bukod sa kaniyang trabaho bilang lokal na opisyal.

 

 

"Yan po ang sinumpaan kong tungkulin, kaya gagampanan ko po na maproteksyunan ko po ang aming bayan," paliwanag niya.

Ayon kay Chavez, dalawang kababayan nila sa San Jose ang nagpositibo kamakailan sa COVID-19.

Isang barangay naman ang isinailalim niya sa lockdown na may isa pang kaso ng COVID-19 ang naitala.

Nangangailangan umano sila ng volunteer health workers at posibleng kailangan nila ang tulong ng pamahalaan.

"Kung sino po 'yung may natapos na po na health profession, pwede rin pong tumulong sa'min. Malaking tulong po 'yun," panawagan niya.

Nagpasalamat naman siya sa suporta ng kaniyang mga kababayan at nanawagan na patuloy na sundin ang safety protocols.

"Thank you po sa lahat ng aking mga kababayan, ang masasabi ko lang po, sunod lang po tayo sa mga ipinag-uutos ng ating gobyerno social distancing ang pagsuot ng face mask, ang paghugas ng kamay." — FRJ,GMA News