Patay ang mag-asawa at dalawa nilang menor de edad na anak nang masunog ang kanilang bahay sa Moalboal, Cebu. Ang tanging nakaligtas, ang isa nilang anak na kaarawan pa man din nang mangyari ang trahediya.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na mag-asawang Jonathan at Josa Masuela, at mga anak nilang sina Jethro at Dyren.

Nakaligtas naman ang 16-anyos na si Juvy John Masuela, na natutulog sa hiwalay na kuwarto nang mangyari ang trahediya.

Ayon kay Juvy na kaarawan pa man din nang mangyari ang trahediya, nagising na lang siya na makapal na ang usok sa kaniyang kuwarto.

Binasag umano niya ang bintana upang makalabas siya ng bahay.

Inaalaman pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.--FRJ, GMA News