Hinampas umano ng lasing na pulis sa Cagayan ang isang matandang construction worker nang tumanggi ito sa inialok na sigarilyo ng suspek.

Iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkules na nag-uusap lamang ang matandang construction worker at ang pulis  nang mangyari ang paghampas ng tsinelas.

Tinanggihan umano ng biktima ang alok ng sigarilyo ng pulis dahil hindi naman daw siya naninigarilyo.

Agad namang kumuha ang pulis ng tsinelas at saka hinampas sa ulo ang matanda.

Nangako naman umano ang Philippine National Police na hindi nila kukunsintihin ang inasal ng kanilang kabaro.

Hindi rin nila pinangalanan ang lasing na pulis, na napag-alamang naka-duty pala nang mangyari ang insidente. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News