Nasawi ang isang 39-anyos na lalaki matapos umanong bugbugin ng tatlong lalaki na kaniyang nakaalitan sa San Jose, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang komosyon sa kalsada hanggang sa natumba ang biktima at tumama sa sementadong bangketa.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima.

Sinabi ni Police Major Aldrin Atienza, OIC ng San Jose Police Station, na lumalabas sa imbestigasyon na nakaalitan ng biktima ang mga suspek matapos umano itong magbanta sa kainuman.

Naaresto ang isa sa mga suspek na 16-anyos lang, habang sumuko naman ang dalawa pang suspek.

"Pinagbantaan yung bayaw papatayin daw sa Lunes. Kakausapin lang naman eh kaso matapang yung nadisgrasya namin. Naitulak lang naman ho, nahingi kami ng pasensiya, nandoon na eh," ayon sa isang suspek.

Pero hindi naniniwala ang mga ama ng biktima na nagbanta ang kaniyang anak.

Hindi niya matanggap ang ginawa sa kaniyang anak at nais niyang ituloy ang kaso laban sa mga suspek.-- FRJ, GMA Integrated News