Kinabiliban ng netizens ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki na sa halip na makipagkamay ay nagmano sa mga guro at guests sa kaniyang daycare moving up ceremony sa Merida, Leyte.

Sa video ni Marianita Covero, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood ang pag-akyat ni Jace Marco sa entablado bago niya tinanggap ang kaniyang certificate.

Ngunit hindi nakipagkamay kundi isa-isa siyang nagmano sa mga teacher at guests sa okasyon.

Nakatanggap naman si Jace ng mga palakpak at mga ngiti sa labi mula sa madla dahil sa kaniyang pagiging magalang.

Mahigit 2.2 milyong views na ang video.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News