Tinutukso ng kaniyang mga kababata na "Dabiana" at "balyena," obese ang pangangatawan noon ng 23 si Baby Ann. Katunayan, umabot pa sa XXXL ang kaniyang mga damit.

Ngunit nagpapayat siya mula nang maging ina, at sinubukan ang low-carb diet hanggang sa makabawas siya ng halos 69 pounds sa loob ng anim na buwan.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing obese si Baby Ann sa height niyang 5'1 at timbang na 198 pounds. Dahil dito, naging irregular ang kaniyang "period" kung saan apat na buwan siyang hindi nagkakaroon pero aabutin naman ng isang buwan ang kaniyang pagregla.

Hirap din ang kaniyang panganganak dahil sa kaniyang katabaan, kaya siya na-cesarean.

Ngunit dahil isa na siyang ina, sinubukan niyang baguhin ang sarili para sa pamilya. Sumali si Baby Ann noong 2018 sa grupong sumusubok ng Low Carb and Intermittent Fasting (LCIF).

Inalis niya ang kanin, tinapay, pasta, oats at biscuits at lahat ng matataas sa carbohydrates. Kaya sa loob ng anim na buwan, nakapagbawas si Ann ng halos 69 pounds at ngayo'y nasa desired weight na siya na 126 pounds.

Panoorin kung ano ang reaksyon ng mga kaibigan sa pagpayat ni Baby Ann na apat na taon siyang hindi nakita, at kung ano ang maipapayo ng isang nutritionist-dietician tungkol sa kaniyang low-carb, high protein diet.-- FRJ, GMA News