Napunit ang bituka ng isang rider matapos niyang makabanggaan ang isa pang motorsiklo na wala sa tamang lane sa Bacoor, Cavite. Ang biktima, iniwanang namimilipit sa sakit ng rider ng nakabangga sa kaniya.

Sa programang "Alisto," sinabing madaling araw nang mangyari ang salpukan ng dalawang motorsiklo at basa ang daan dahil umaambon.

Parehong humandusay ang dalawang rider, pero makikitang nagpapagulong-gulong ang biktimang si Glenn Santillan na namimilipit sa sakit matapos na tumama sa kaniyang sikmura ang manibela ng motorsiklo.

Walang sugat na makikita sa labas ng tiyan ni Santilla pero napunit ang kaniyang bituka kaya kinailangan niyang operahan at gumastos ng nasa P300,000.

Makalipas ang dalawang buwan mula nang maganap ang insidente, ikinuwento ni Santillan na kahit namimilipit siya sa sakit ay sinisikap niya makuha ang susi ng motor ng nakabangga sa kaniya para hindi makatakas.

Sinabihan pa nga raw niya ang nakabangga sa kaniya na tulungan siya pero hindi ito ginawa ng suspek.

Nakita ng sumuring doktor na napunit ang bituka ni Santillan, pero nabuhay siya sa kabutihang palad.

Lumapit si Santillan sa Land Transportation Office para mahanap ang suspek at may detalye na siya kung sino ito. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News