Ngayong panahon ng enhanced community quarantine, hindi maiwasan ng ilan na umasa sa canned goods at instant noodles para may makain. Pero babala ng mga eksperto, mataas ang sodium o asin ng mga ito na magdudulot ng altapresyon o high blood pressure. Alamin ang mga puwedeng gawin para mabawasan ang bisa ng asin sa mga naturang pagkain.

Sa kaniyang Facebook post, binanggit ng cardiologist na si Dr. Don Robespierre Casibang Reyes, ang rekomendasyon ng American Heart Association at Philippine Heart Association, na kailangan lamang kumain ng tao ng dalawang gramo o 2,000 mg ng asin kada araw, o katumbas ng isang kutsaritang asin.

Kaya naman mahalaga na tingnan ang food label ng mga de-lata at instant noodles para malaman kung gaano karami ang soduim ng mga ito.

Sinuri ni Dr. Reyes ang laman na sodium ng isang de-latang sardinas, na mayroong 610 mg sa isang serving. Kaya kung dalawang lata ang iluluto para pa lang sa isang kainan, magiging 1,220 mg na ang suma ng soduim, o lagpas na sa kalahati ng inirerekomenda ng mga eksperto na 2,000 mg sa isang araw.

Kaya hindi na kaiga-igaya sa kalusugan kung de-lata ng sardinas ang kakainin sa almusal, tanghalian at maging sa hapunan dahil posible nang tumaas ang altapresyon.

Ngunit para mabawasan ang asin o sodium sa mga de-lata at instant noodles, makabubuti umano kung sasamahan ito ng maraming gulay at sabaw. Kung instant pancit canton naman ang ihahanda, samahan ito ng itlog.

Panoorin sa video ang pagluto ni Dr. Reyes ng healthy na sardinas with misua, na sinamahan ng upo, carrots, at kintsay.



--Jamil Santos/FRJ, GMA News