Sadya raw maalaga sa kaniyang kutis lalo na sa mukha ang lady guard na si Evelyn kaya nagpapahid ito ng beauty product. Pero nitong nakaraang buwan, biglang namaga ang kaniyang mukha, kinalaunan ay tila nasunog, hanggang sa binawian na siya ng buhay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," hindi matanggap ni Romeo ang kalunos-lunos na sinapit ng kaniyang mapagmahal na asawa.

Kuwento ni Romeo, isang linggo bago mangyari ang trahediya sa kanilang pamilya noong nakaraang buwan, may napansin siya ipinapahid si Evelyn sa mukha.

Pagkaraan ng isang linggo, namula raw at namaga ang mukha ng kaniyang misis.

Nang dalhin nila sa ospital si Evelyn at magamot, bumuti naman daw ang kalagayan ng ginang.

Ngunit pagkaraan ng ilang araw, muli nilang ibinalik si Evelyn sa hospital dahil muli sa pamamaga ng mukha.

Kinalaunan, tila nasunog na ang mukha niya na umabot sa braso at katawan, hanggang sa tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Ang ipinahid na beauty product nga ba sa mukha ang dahilan kaya nagkaganoon si Evelyn o mayroon ibang kondisyon sa kalusugan ang ginang? Alamin ang paliwanag ng duktor sa video na ito ng "KMJS."


--FRJ, GMA News