Aliw-aliw ang netizens sa mga video ng mga asong tila-"diva" kung sumabay sa pagbirit ng kanilang mga among nagbi-videoke. Pero kumakanta ba talaga ang mga doggie?

Sa programang "Brigada," ipinakita ang mga viral video ng ilan sa mga asong bumibirit gaya nina "Skye" at "Pebpeb."

Ayon sa mga fur parent ng mga aso, nagulat na lang sila nang mapansin na tila sumasabay sa kanilang pagkanta ang kanilang alaga lalo na kung mataas ang tono.

Pero nakikikanta nga ba ang mga aso sa kanilang mga amo?

Ayon sa veterinarian na si Dr. Glenn Albert Almera, ang tila pagkanta ng mga aso ay maaaring isang paraan ng mga aso sa pakikipag-komunikasyon sa pamamagitan ng pag-alulong o howling.

Ang pag-alulong ay matagal na umanong paraan ng pakikipag-komunikasyon ng ninuno ng mga aso noong panahon na nasa gubat pa sila--ang mga wolves o lobo.

"Mayroon silang ancestor o ninuno na tinatawag nating mga wolves. Sila yung pinagmulan talaga ng pagha-howl o yung pagbibigay nila ng mataas na sound," sabi ni Almera.

Dagdag niya, may ilang ,usika raw na pareho o katunog ng howling na naririnig ng mga aso.

"May mga specific talaga na music na kung saan medyo related daw ito sa mga howling sounds o pitch ng mga wolves before. Kung titingnan mo, madalas ito yung mga sinasabayan nilang mga genre ng kanta," paliwanag pa ni Almera.

"Kasi yung mga pitch nito ay similar sa mga pitch ng mga ancestor nila. Kung madalas na talaga nilang nakikita yung mga owner nila na nadidinig yung mga music o nagpapatugtog, and they see their owner na masaya 'pag may ganung mga music, they have the tendency to do the same thing para makipag- communicate na gusto nilang makipaglaro," patuloy ng beterinaryo.

Likas din na matalino ang mga aso at may kakayanin silang tandaan ang kanilang mga nadidinig, gaya ng musika. --FRJ, GMA News