Pambira ang talento ng isang babaeng dalawang-taong-gulang sa Lapu-Lapu City, Cebu dahil bukod sa nakapagbabasa na siya ng Ingles, nakapagbibilang na rin siya sa tatlong lenggwahe at kabisado pa ang iba't ibang watawat ng mga bansa.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Victoria Tulad, sinabing pitong buwan pa lang si Baby Yanna Borgonia ay nakapagsasalita na siya.

Ayon sa kaniyang inang si Hanna Borgonia, pamilyar na si Baby Yanna sa phonic sounds ng alpabeto noong 11-buwang-gulang siya.

Bago pa natutong maglakad at noong mag-iisang taon na siya, nauna pa si Baby Yanna na makapagbasa ng mga pangungusap.

Marunong na rin siyang magbilang sa tatlong lengguwahe, kabilang ang Japanese.

Tila sisiw na rin kay Baby Yanna na kilalanin ang 95 na mga watawat ng mga bansa.

Dahil dito, sinabi ni Dr. Raul Gaña, behavior specialist, na maaaring ituring na "gifted child" si Yanna.

Sabi pa ni Gaña ang pagiging gifted ng isang bata ay dapat mahasa sa pamamagitan ng suporta ng pamilya.

Mahalaga ring mahasa ang intelligence quotient (IQ) ng isang bata sa pamamagitan ng experience learning o pakikipag-usap at bahaginan.

"Dalhin natin ang mga bata sa play school kasi doon meron silang puwedeng paggamitan ng language nila. Kasi minsan ang masama alam nila ang lahat ng language pero hindi nila mailabas kasi wala naman silang paggagamitan. Pero kung merong ibang bata, kahit na pinsan, kapitbahay, paglalaruin natin sila, lalong mae-enhance ang kaniyang capabilities," sabi ni Dr. Gaña.--FRJ, GMA News