Tapos na ang Pasko pero patuloy pa rin sa pamimigay ng pera at isda ang isang negosyante na tinatawag na "Idol." Bakit nga ba niya ito ginagawa at saang lugar siya susunod na mamimigay ng biyaya sa Pebrero 6. Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakilala ang negosyante na si Romeo, na tinatawag na "Idol," mula sa San Luis, Pampanga.
Sa video, makikita ang dami ng mga tao na nakapila upang makatanggap ng pera mula kay Romeo. Pero bukod sa pera, pinapayagan rin niya ang mga tao na mag-ani ng mga isda sa kaniyang palaisdahan.
Ang mga isda na makukuha ng mga tao, kanila na.
Ayon kay Romeo, bukod sa pamimigay niya ng pera at isda, may mga nagpupunta rin sa kaniyang bahay na may dalang reseta upang humingi ng tulong.
Ginagawa raw niya ito upang makabawi sa mga kasalanan na nagawa niya noon.
"Kaya ako ngayon tumutulong dahil gusto kong bumawi sa nagawa kong pagkakasala noon," saad niya. "Magpakain ka ng kamukha mong tao sabi niya para mo na 'kong pinakain."
Ayon kay Romeo, galing siya sa mahirap na pamilya, at may pagka-bad boy din.
Nagtrabaho siya noon bilang tricycle at jeepney driver, at namasukan din na contruction worker.
Nang makapag-asawa, niregaluhan sila ng kaniyang biyenan ng palaisdaan na kanila namang napalago.
Pero nang pasukin nila ang pagiging dealer ng feeds, nalubog sila sa utang. Gayunman, pumasok pa rin siya sa ibang negosyo na gasoline station, at doon na sila sinuwerte at umasenso nang tuluyan.
Ngayon, mayroon na silang 32 gasoline stations, at nabayaran na ang mga utang. May sarili na rin siyang construction business, palayan, palaisdaan at farm resort.
Dahil itinuturing na ang sarili na retired, gumigising nang maaga si Romeo para magluto para sa kaniyang pamilya at mga tauhan.
Noong nakaraang Biyernes, muli siyang namigay sa sa mga ka-barangay ng tig-P500. At noong Pasko, umabot umano sa milyong piso ang kaniyang ipinamigay.
At sa darating na Pebrero 6, inihayag ni Romeo na magtutungo sila sa Angeles, Sapang-bato para mamigay ng pera na aabot sa P200,000 dahil kaarawan ng kaniyang maybahay. --FRJ, GMA Integrated News