Nag-viral sa social media kamakailan ang video ni Argie Miranda na makikita na bigla siyang nagising at hirap huminga. Pakiramdam niya nang sandaling iyon, katapusan na niya. Bangungot nga ba ang kaniyang naranasan? Alamin.

Sa programang "Pinoy MD," sinabing mahimbing ang tulog ng pamilya ni Argie nang araw na iyon dahil pagod sila mula sa outing.

Sa outing, naparami raw ang kain nila sa mga putahe na tinatawag na "putok batok."  Napalakas din daw ang inom niya ng softdrinks at kape.

"Sa gabi pag-uwi ko, nag-softdrinks pa rin kami. After kong kumain siguro mga one hour siguro bago ako matulog," ani Argie.

Pero 30 minuto pa lang ang nakakalipas matapos silang mahiga, biglang nagising si Argie na hirap huminga.

Makikita rin sa video na hinahampas niya ng kamay ang kaniyang dibdib.

"Kita nga sa video na parang nasamid ako, tapos yun po, parang hindi na ako makahinga. Basta hindi na rin ako makatayo noon, itinayo na lang ako ng misis ko noon," patuloy ni Argie.

Tinulungan si Argie ng kaniyang asawa na makaupo. Pero hindi pa rin kaagad nawala ang hirap ni Argie sa kaniyang paghinga.

Nagising na rin ang iba pa nilang kamag-anak.

Ayon kay Argie, nang sandaling iyon, hindi rin siya makapagsalita. Pakiramdam niya, katapusan na niya.

Tumagal daw ng halos dalawang minuto bago muling nakahinga nang maayos si Argie.

Paniwala ni Argie, binangungot siya dahil sa dami ng kaniyang nakain at sobrang pagod. Madalas daw talaga siyang bangungutin lalo na kung bagod mula sa trabaho bilang isang delivery rider.

Pero bangungunot nga ba ang naranasan ni Argie?

Sabi ng isang duktor, posibleng nakaranas si Argie ng obstructive sleep apnea, o problema sa paghinga habang natutulog.

Matapos ang insidente, nagpatingin sa duktor si Argie at sinabhan siya na posibleng "heartburn" ang kaniyang naranasan.

Ano nga ba ang dahilan ng pagkakaroon ng heartburn at papaano ito maiiwasan? Tunghayan sa video ng "Pinoy MD" ang buong talakayan sa isyung ito ng kalusugan. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News