Sa taas na tatlong talampakan, mistulang bata ang isang babaeng 15-taong-gulang sa San Remegio, Cebu na si Shaira. Ano nga ba ang kaniyang kondisyon at tila huminto ang kaniyang paglaki at pagtanda?

Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Sandra Aguinaldo, sinabing pangalawa sa apat na magkakapatid si Shaira, at siya lang ang mayroong ganoong kondisyon sa pamilya.

Ayon kay Rufa Pepito, 55-anyos, na solong itinataguyod ang kaniyang mga anak, napagkakamalang bata si Shaira dahil sa katawan nito at mukha na laging masayahin.

“Higa lang nang higa. Hindi normal ang pagkabata. Hawak lang nang hawak ‘di siya makatayo mag-isa. Tawag kami nang tawag sa pangalan niya ‘Shaira...’ Pagkatagal-tagal narinig na niya kami. Hindi maintindihan ang salita niya,” sabi ni Rufa.

Wala naman daw naramdaman na kakaiba o ginawang bawal si Rufa noong pinagbubuntis niya si Shaira. Pero bihira raw siyang makapagpasuri noon sa health center.

“Akala ko sir patay po kasi hindi siya umiiyak sir. Kahit hindi umiiyak akala ko ang anak ko wala na,” sabi ni Rufa.

Inakala raw niya na aayos ang kondisyon ni Shaira kapag lumaki na ito.

“Sabi ko sa sarili ko, parang hindi ko na kaya na mag-alaga sa kaniya nang matagal. Hirap na hirap, pero wala akong magawa dahil anak ko,” anang ginang.

Nang ipasuri sa pediatrician si Shaira, sinabi ni Dr. Philip Hester Gilbuena, na maaaring mayroong genetic problem sa dalagita.

“Noong paglakad pa lang ni Shaira, development delay na talaga. Number two is short stature, number three is mental retardation usually caused by a genetic problem,” pahayag ng duktor.

“We cannot be sure kung ano talaga ang reason bakit ganito ang nangyari kay Shaira, unless we can prove what genetic illness talaga ang nasa kaniya” dagdag ni Gilbuena.

Mungkahi ni Gilbuena, kailangang sumailalim si Shaira sa genetic testing o counselling mula sa isang geneticist.

Sa kabila ng kalagayan ni Shaira, mananatili naman sa kaniyang paligid ang kaniyang ina at mga kapatid na handang umalalay sa kaniya.--FRJ, GMA Integrated News