Matapos ang siyam na taong pagtatago, nadakip ang itinuturing Most Wanted Person ng Region IV-A na suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang matandang barangay tanod sa Batangas. Lumutang ang suspek sa tulong ng isang babaeng "asset" na ipinain sa kaniya online.
Sa pilot episode ng “Resibo” ni Emil Sumangil, kinilala ang suspek na si Giovanni Mundin, 48-anyos, na may kasong murder.
Bago nito, Oktubre 26, 2014, nang barilin at mapatay umano ni Mundin ang 68-anyos na barangay tanod na si Baylon Garcia, ng Sto. Tomas, Batangas.
Naglalakad lang noon ang biktima nang bigla lang pagbabarilin umano ni Mundin. Kaagad nasawi si Garcia dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo at balikat.
Dating barangay kagawad si Mundin, at hinihinalang paghihiganti at away-politika ang motibo sa krimen.
Sinabi ng pulisya na noong 2013, nabaril ang ama ni Mundin, at ang itinuturong suspek ay ang driver ng kaanak ni Garcia.
Mabilis na nakapagtago si Mundin matapos na sampahan ng kasong murder at maglabas ang Regional Trial Court Branch 6 ng Tanauan, Batangas ng warrant of arrest noong Disyembre 2015.
Ngunit napag-alaman ng Philippine National Police – Maritime Group ng NCR na aktibo sa social media ang suspek. Kaya pinlano ang isang entrapment operation laban kay Mundin.
Gumamit ang pulisya ng isang babaeng asset, na nagpanggap na caregiver para kausapin at makuha ang loob ni Mundin.
Matapos ang isang linggong pakikipag-video call sa asset ng mga awtoridad, pumayag ang suspek na makipagkita.
Nagplano ang mga awtoridad kung paano babakuran ang suspek sa meeting place nila ng asset.
Panoorin sa video ng "Resibo" ang tensiyonadong pagdakip ng mga operatiba ng PNP Maritime Group kay Mundin, dahil posibleng armado ng baril ang suspek. -- FRJ, GMA Integrated News