Hinahangaan ang isang 19-anyos na lalaki dahil sa English-speaking o “spokening dollar” niyang marketing strategy para mabili ang tinda niyang mga doormat sa Naga, Camarines Sur. Kasabay nito, hindi rin niya pinababayaan ang kaniyang pag-aaral para maabot ang kaniyang pangarap.
Sa kuwentong “Brigada” ni Mark Makalalad, itinampok si Rainiel Grijalvo, isang Grade 12 student at graduating sa senior high school, na bukod sa Ingles, sinasamahan pa niya ng research ang pagbebenta niya ng doormat.
Ayon kay Rainiel, pinakapaborito talaga niyang subject ang English.
“I really love such jargon and different words, and to encounter deep words. I’m really interested to encounter those things and put that in my vocabulary,” sabi ni Grijalvo.
Nakilala si Grijalvo dahil sa video ni Rodrigo Bonggao Jr., na namangha nang makita niya ito na nag-i-Ingles habang nagbebenta ng mga basahan.
“The very purpose as to why I want him to do it kasi alam kong may NGOs, organizations that help such cases. Low term na naisip ko na makita nila, ma-inspire sila na maraming opportunity sa mga batang kagaya niyan,” sabi ni Bonggao.
Ngunit para kay Grijalvo, bonus na lamang na maraming naaaliw sa paandar niyang sales talk, dahil ang pinakamahalaga ay makabenta siya.
Breadwinner sa pamilya na may walong miyembro si Grijalvo. Kaya pilit niyang pinagkakasiya ang kinikita para sa kaniyang pag-aaral at kanilang mga pang-araw-araw na gastusin.
Labingdalawang taon nang nagbebenta ng mga doormat si Grijalvo, at katuwang pa niya minsan ang pamilya sa paggawa ng mga basahan.
Nahikayat si Grijalvo nang minsang may nakita siyang mga bata na nagbebenta ng pamunas sa jeep at pinupunasan nila ang mga windshield at upuan nito.
“Doormat po kasi disposable po siya sa ibang customer. Which is kapag basa na po siya, puwede na po siyang palitan. Kapag hindi pagkain ang paninda mo, hindi siya napapanis, puwede mo pa siyang ibenta kinabukasan,” sabi ni Grijalvo.
“Minsan po hindi ko na rin naiisip ‘yung mga pangamba or consequences na puwedeng mangyari sa akin throughout my work kasi alam ko naman po na may goal ako, and I pursue my goal para sa family ko and para na rin sa pag-aaral ko,” dagdag ni Grijalvo.
Nagigising ng 6 a.m. si Grijalvo para pagbebenta sa umaga hanggang 2 p.m. Mag-aaral na siya pagsapit ng gabi.
“Sa academics ko po, sobrang hirap talaga, especially sa time management kung paano pagsasabayin. Hindi maiiwasan ‘yung family and certain problems sa life. Pero I do to pursue my dreams,” sabi ni Grijalvo.
Sa isang araw, kayang makaubos ng Grijalvo ng 40 piraso ng mga doormat at kumita ng P1,000.
Dama ni Grijalvo ang suporta at ng kaniyang pamilya sa kaniyang pagbebenta, lalo ang kaniyang ama na proud sa kaniya.
“Bilang isang anak, si Rainiel masipag, tumutulong sa mga magulang. Masipag mag-aral. Bilang magulang siyempre proud ako sa kaniya dahil unang una natutulungan niya kami sa pag-aaral ng mga kapatid niya,” sabi ni Felipe Grijalvo Jr., ama ni Grijalvo.
“Hindi naman namin siya mapapangunahan sa pangarap niya. Ang pangarap namin makapagtapos siya ng pag-aaral para masunod ang gusto niyang mag-college, ‘yun naman ang pangarap namin sa kaniya,” dagdag ng ama ni Grijalvo.-- FRJ, GMA Integrated News