Patok sa mga mamimili ang isang litsunan na may kakaibang pakulo sa La Loma, Quezon City dahil ang putok-batok na baboy na kanilang ibinibenta, may palaman na seafood.
Sa “Pera Paraan,” ikinuwento ni Ramon “Monchie” Ferreras, owner ng Monchie’s Lechon, na bata pa lamang siya ay nakita na niyang magiging matagumpay ang negosyong litsunan ng kaniyang mga magulang sa La Loma.
Taong 1988 nang ipasa na sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang naturang negosyo. Dito na siya gumawa ng kaniyang sariling diskarte, at pinag-aralan maging ang presentasyon at puwesto ng kanilang negosyo.
“Visibility counts, kung paano mo i-present ang produkto mo. Ano ba ang maganda, ‘yung nakatayo lang siya na ganiyan o nasa loob ng glass showcase? Kapag nadadaanan ‘yan ng utility vehicles, public utility jeepney, kahit hindi pa bumibili ‘yan makikita ka niyan, na exposed ka. Ang potential mo to make it big o to make it successful ay mas mataas ang porsyento,” sabi ni Ferreras.
Hanggang sa lumabas din ang iba pang nagtitinda ng litson sa kanilang lugar kaya umisip si Ferreras ng kakaibang paandar.
“Kaya pumasok sa mind ko na magkaroon kami ng seafood lechon, ‘yung asal ng Pilipino ay mapagmahal sa pamilya. Paborito namin ang sugpo eh, sinong Pilipino ang hindi paborito ang crab na mayroong aligi? ‘Yon ang pinakamaalat at pinakamasarap,” saad niya.
“Pumasok sa mind ko na kung ilalagay ko sa de-kalidad na litson ‘yung masarap na seafood, para bang iba pa rin ang datingan,” sabi pa ni Ferreras.
Nagsimula siya sa puhunan na P18,000 noong 1988, na kung ikukumpara ngayon ay nasa P70,000 na.
Tatlong taon matapos simulan ang negosyo, nakabili na si Ferreras ng bahay at lupa.
“Kapag ipinasok mo sa mind mo na magiging masagana ka, mangyayari naman ‘yun,” sabi ni Ferreras, na kumikita ng P100,000 kada buwan sa kaniyang seafood lechon.
Para madagdagan pa ang kaniyang income at mapagkakitaan ang buong baboy, nagtayo si Ferreras ng isa pang negosyo na giant ihaw-ihaw, na nagmula sa mga lamang-loob ng nakatay nilang mga baboy.
Kasama sa mga giant ihaw-ihaw ang giant isaw at giant atay.
“Ang tubo mo, kinakailangang maging pera na agad para magamit mo na agad as capital. Kung patatagalin mo pa ‘yung tubo mo, magde-depreciate ang quality kailangang mahawakan mo na ‘yan para mag-circulate na ‘yan. Mabilis ang ikot, mabilis ang source, mabilis ang incoming net profit,” paliwanag niya.
Ang mga litson namang hindi nila naibebenta, binibili ng maraming restaurant at karinderya para gawing paksiw na litson at sinigang na litson.
Tunghayan sa video kung papaano ginagawa ang "seafood" lechon. Panoorin ang video ng Pera Paraan. -- FRJ, GMA Integrated News