Sa mga gusto nang mag-swimming sa pool o beach pero wala pang time para mag-out of town, may isang waterpark sa Taguig na puwedeng puntahan at nasa loob ng isang mall.

Sa programang "Dapat Alam Mo," pinuntahan ni Haley Dizon ang Wetpark Adventure Lagoon na nasa loob ng Venice Grand Canal Mall.

Tamang-tama ang lugar sa mga taga-Metro Manila na nais magtampiyaw sa tubig pero ayaw mangitim at mabilad sa araw dahil nasa loob ng mall ang waterpark.

Ayon kay Abie Kalalo, marketing director ng wetpark, ginawa nila ang lugar para makapag-enjoy ang buong pamilya at controlled ang environment para sa kaligtasan ng mga bata.

Ang mga maliligo, may time slot na tatagal ng tatlong oras. Kayang mag-accommodate ng hanggang 120 person ang bawat time slot: 11 am to 2 pm, 2:30 pm to 5:30pm, at 6:00 pm to 9:00 pm.

Mayroong break na 30 minutes bawat time slot para magsagawa ng disinfection sa wetpark.

May locker ang mga constumer at requirement ang paggamit ng proper swimming attire, pati na ang pagsusuot ng swim cap at aqua shoes. Mayroon namang mabibili at marerentahan sa waterpark.

Ang bayad sa waterpark, P588-P688/weekdays at P688-P788/weekends na ang bawat isang ticket ay para na sa 1 adult at 1 bata.

Panoorin ang buong video at silipin ang mga aktibidad na ginawa ni Haley sa waterpark.-- FRJ, GMA Integrated News