Sa halip na pag-awayan ang puwesto sa ipinamanang lupa ng namayapa nilang ina, idinaan sa Bingo ng 12 magkakapatid ang paghahati-hati sa naiwang lupa sa San Juan, Batangas.

Sa “Kapuso Mo, Jessica Soho,” inilahad ni Crisanto Javier na walang iniwang last will and testament ang kanilang inang si Nicanora na pumanaw noong nakaraang taon. Kaya naging palaisipan sa magkakapatid kung kanino mapupunta ang lupang iniwan ng kanilang mga magulang.

May sukat na 4,700 square meters sa Barangay Talahiban I ang lupa na paghahatian. Gayunman, may bahagi ng lote na nalulubog sa tubig kapag malakas ang ulan. Kaya naman mas nanaisin ng magkakapatid na sa bahagi na hindi lumulubog sa baha ang makuha nilang parte.

Ang lupa na wala pang titulo, napag-alaman na nakuha ng kanilang ama nang maging tenant sa tunay na may-ari ng lupa mula pa noong 1940s.

Tinaniman niya ito ng palay na ipinantustos niya sa 13 mga anak, na 12 na lang ngayon matapos pumanaw ang isa.

Pagkaraan ng limang dekada ng pagiging tenant o tagasaka, pinagkalooban ng may-ari ang kanilang ama ng lupa na paghahatian na nila ngayon.

Taong 2001 nang pumanaw ang kanilang ama.

Para walang away sa pagpili sa bahagi ng lupa, hinati-hati ito sa 13 parte at nilagyan ng mga numero at saka bubunutin na parang Bingo, na paboritong laro ng magkakapatod.

Kasama pa rin sa hatian ang kapatid nilang namayapa na kinatawan ng kaniyang anak sa bolahan. At nitong Abril 28 sa unang death anniversary ng kanilang ina, isinagawa nila ang bingo.

Ang panganay sa magkakapatid na siyang nagsisilbing padre de pamilya nila, nag-request ng bahagi sa lupang pinaghatian na pinagbigyan naman nila.

Pagkatapos ng hatian, plano nilang asikasuhin ang titulo ng lupa para pormal nang maipangalan sa kanila ang nabunot nilang parte.

Matupad kaya ang dalangin ng mga magkakapatid kung saang parte ng lupa ang nais nilang makuha huwag lang ang bahagi na nalulubog sa baha?

Tunghayan sa KMJS ang masayang samahan ng magkakapatid at kung anong kabuhayan ang gagawin nila sa makukuha nilang parte. -- FRJ, GMA Integrated News