Sa height na wala pang 4 feet, naging agaw-pansin sa moving up ceremony ng mga junior high student sa isang paaralan sa Calubian, Leyte ang 17-anyos na si Angel Hibe, na mukhang elementary pupil na naligaw sa seremonya. Ano nga ba ang nangyari at natigil ang kaniyang paglaki gayung normal naman siya nang isinilang? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mapagkakamaling na anim na taong gulang lang si Angel, na tila boses din ng bata ang tinig at may mala-anghel na hitsura.

Sa pitong magkakapatid, tanging si Angel lang ang tumigil ang paglaki.

Ayon sa kaniyang ina na si Nelsa, 45-anyos na siya nang ipagbuntis niya si Angel, at naging maselan ang kaniyang pagdadalang-tao.

Balak daw sana ni Nelsa na ipalaglag na lang noon si Angel nang tatlong-buwan pa lang ito sa kaniyang tiyan. Pero nang nasa ika-limang buwan na sa sinapupunan si Angel, hindi na itinuloy ni Nelsa ang balak sa anak dahil sa awa.

Naging malusog naman daw si Angel nang kaniyang isilang, at itinuring nila siyang hulog ng langit kaya Angel ang ipinangalan nila sa kaniya.

Sa kaniyang mga anak, sinabi ni Nelsa na si Angel ang pinakamabigat at malaki nang kaniyang isilang. Pero nang lumalaki na si Angel, napansin nila na matagal bago siya naglakad.

At nang sumapit si Angel sa edad na 10, tila tumigil na ang paglaki ng kaniyang anak. Hindi rin normal ang buwanang dalaw o regla ni Angel.

Ayon kay Angel, pinainom siya noon ng mga bitamina na pampatangkad pero walang naging pagbabago sa kaniyang taas.

Dahil dalaga na at may kurba na ang kaniyang katawan, may ibang netizens ang pumupuna sa kaniyang mga kasuotan dahil sa pag-aakala na bata pa siya at pilit na nagpapa-sexy.

Mahilig na rin siyang maglagay ng mga pampaganda sa mukha gaya ng make-up at lip tint

Bunga ng kaniyang kondisyon, naging biktima ng bullying si Angel at minsan na rin niyang inisip na tumigil sa pag-aaral. Mabuti na lang at naging malakas ang suporta sa kaniya ng kaniyang pamilya.

Para malaman kung bakit tumigil ang paglaki ni Angel, hiniling ng kaniyang ina na maipasuri sana sa espesyalista ang kaniyang anak.

Kaya sinamahan si Angel ng KMJS team sa madala sa duktor. At sa paunang pagsusuri, pinaniniwalaan na may "Short Stature" si Angel, at marami umano ang posibleng dahilan kung bakit ito nangyayari sa isang tao.

Ano nga ba ang dahilan ng pagkakaroon ni Angel ng Short Stature, at may pag-asa pa kaya siyang tumaas o lumaki?. Panoorin ang buong kuwento sa video. -- FRJ, GMA Integrated News