Viral ngayon sa social media ang video ng mahigit limang lalaki na pinagkakatuwaan ang isang aso na bukod sa niyuyugyog at pinag-aagawan ay inihagis pa.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing marami ang hindi natuwa sa naturang video.

Hindi pa kumpirmado ang mga identidad ng mga sangkot sa video, pero naiulat na ang insidente sa pulis.

Kinondena ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang naturang gawain.

"Very clearly, abuse of animals ito. Nakaka-upset siyang panoorin kaya naman pala marami nang nagta-tag sa amin saka nag-i-email kasi nga karamihan din ng tao na naka-view nito, disturbed din sila," pahayag ni Ana Cabrera, executive director ng PAWS.

Nakasaad sa Animal Welfare Act na maaaring makulong ang mga sangkot mula isang taon at anim na buwan hanggang dalawang taon sakaling mapatunayan silang nagkasala.

Mayroon din silang multa na hanggang P100,000.

"Pinakakailangan ngayon ay ang pangalan nitong mga lalaking ito, kanilang address at 'yung witness, kung may witness po dito. Or puwede na rin sigurong gamitin ang video, basta't ma-identify 'yung mga lalaki du'n sa video para makasuhan sila sa paglabag ng Animal Welfare Act," ayon pa kay Cabrera. —Jamil Santos/LBG, GMA news