Inulan ng batikos sa social media ang staff ng isang ospital sa Cebu City matapos kumalat sa internet ang video na makikita ang isang lalaking duguan matapos tamaan ng bala sa isang anti-drug operation ng pulisya.

Kahit nakaangat na ang kamay ng pasyente at walang tigil ang pagdaing niya ng sakit, tila walang lumalapit sa kanya. Maririnig din sa video ang boses ng isang babaeng tila tumatawa pa.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa "24 Oras" nitong Biyernes, kinumpirma ni Cebu Provincial Health Officer Dr. Rene Catan na kuha ang insidente sa Tuburan District Hospital noong February 8.

Pero nilinaw ng opisyal na binigyan naman ng atensyon ng hospital staff ang pasyente at hindi lang naipakita sa viral video.

Giit ng opisyal: "The investigation is already going on. So unfortunate lang talaga na lumabas 'yun. Kasi kung titignan natin yung mga comment na wala daw silang ginagawa, may ibinigay silang initial treatment."

Sinuspende na raw ang tatlong hospital staff na sangkot sa video.

Staff din daw ng ospital ang kumuha ng video at iba pa ang nag-upload nito.   

Maliban sa administrative charge, posible raw na maharap ang sangkot na hospital staff sa kasong criminal ang mga staff na nag-upload ng video dahil sa paglabag  nila umano sa Data Privacy Act.

Kahit wala pang nagsasampa ng kaso, magsasagawa raw ng motu propio investigation para matukoy kung may nilabag na karapatang pantao ang staff ng ospital.

Umabot na sa 4 milyon ang views ng video. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News