Labis ang kasiyahan at pasasalamat ni Herlene Budol, na kikilala ngayon bilang si "Hipon Girl" ng "Wowowin" dahil sa suporta at pagmamahal na natatanggap niya.

Unang napanood sa telebisyon si Herlene nang maging kalahok siya sa "Wowowin" at kinagiliwan ng mga tao dahil sa kaniyang sagot sa tanong ng host na si Willie Revillame kung maganda siya.

"Hindi ako sure. Sabi nga nila sexy ka lang. Shrimp nga tawag sa akin eh," sabi niya.

Nang tanungin siya kung bakit shrimp ang tawag sa kaniya, paliwanag niya, "Shrimp, 'di ba kapag kakain ka ng hipon tatanggalin mo ulo, kakainin mo katawan. Eh di shrimp!"

Bukod sa nakakaaliw niyang sagot, marami rin ang naantig ang damdamin tungkol sa kuwento ng kaniyang buhay dahil sa paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.

Nag-viral ang naturang video ni Herlene na umabot sa milyon-milyon ang views.

Kasunod nito, nabigyan siya ng pagkakataon na maging co-host sa naturang programa.

"Hindi ko nga alam na aabot ng ganun yung ano ko, e yung pakikipag-usap ko sa kaniya [Willie]. Kasi medyo mahiyain talaga ako. Joke lang," natatawa niyang sabi sa  ulat ni Athena Imperial sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.

Napag-alaman na bago sumali sa Herlene sa "Wowowin," kung ano-anong trabaho ang pinasok niya para masuportahan ang kaniyang pag-aaral at matulungan ang kaniyang lola at lolo sa gastusin na nagpalaki sa kaniya.

Sumasali rin siya sa pageant kung saan daw niya narinig ang bansag sa kaniyang "hipon."

"Hindi naman daw ako kagandahan, hindi naman daw maganda yung sagot ko pero bakit ako nanalo. Tapos parang binansagan nila akong 'hipon' naman 'yan, bakit nanalo yang mga ganyan," saad niya.

Isa naman kaniyang mga naging trabaho ay nang namasukan siya bilang front desk staff sa mayor's office ng Angono, Rizal.

Nang puntahan niya ang munisipyo para sa munting "meet-and-greet," naiyak siya siya tuwa dahil hindi niya inakala ang mainit na pagtanggap sa kaniya ng kaniyang mga kababayan.

"Hindi ko nga alam na may tao rito, akala ko joke lang," naiiyak niyang sabi.

Ang mga nakakiya kay Herlene, hindi naniniwalan sa bansag sa kaniyang "hipon" dahil maganda umano ang dalaga sa personal.

Paalala ni Herlene sa mga taong mabilis manghusga batay sa panlabas na kaanyuan, "Ang kagandahan naman hindi naman panlabas lang." --FRJ, GMA News