(Paalala, ihanda ang pampunas ng luha)



Matinding iyakan ang nangyari sa "Eat Bulaga" nang mapakinggan nila ang iba't ibang kuwento ng mga ina na may mga anak na nasa autism spectrum sa "Bawal Judgmental" segment nitong Biyernes.

Ikinuwento ni nanay Cecille na nasa autism spectrum disorder ang dalawa niyang anak na sina Angelie at Maurice Allen.

Bata pa lang daw si Angelie nang mapansin ni nanay Cecille na hindi ito nakikisalamuha sa ibang mga bata. Hanggang sa sabihin sa kaniya ng guro na kailangang ipatingin si Angelie sa doktor dahil ito raw ay "living in a world of her own."

Ang sumunod naman niyang anak na si Maurice Allen, hindi raw nagpakita ng mga senyales ng isang may autism spectrum condition, hanggang sa napansin niyang modified ang mga test nito sa eskuwela at hirap mag-memorize.

ALAMIN: Ano ang mga palatandaan na may autism at down syndrome ang isang bata?

"You pray that the work that you're going to do to your children will work out perfectly kasi there's no other way but for the mother to contribute doon sa development ng bata. Nobody would love the children more than us mothers," sabi ni nanay Cecille.

Hindi naman napigilan ng host na si Paolo Ballesteros na maiyak sa nakaaantig na kuwento ng pagiging matatag ni nanay Cecille.

Maging mga nanonood at iba pang dabarkads, napaluha na rin.

Ang single parent naman na si Mommy Donna, isang fitness coach, ikinuwento na naka-graduate ng high school ang anak na si Desly pero ayaw nang magkolehiyo dahil mas gusto nitong nasa bahay lang.

"Ang lagi ko na lang iniisip kasi is blessing siya eh. Sa naging buhay ko, siya lang lagi talaga 'yung nagre-remind sa akin na maging malakas lagi," sabi ni Mommy Donna.

Ayon kay Mommy Donna, naaalala ni Desly si Joey de Leon dahil naging guest na ito noon sa "Mel and Joey."

Hindi na napigilin ni Joey na makasalamuha nang hilingin ni Desly na mayakap siya.

Panoorin ang iba't ibang kuwento ng mga magulang at ang kanilang karanasan sa pag-aalaga ng mga anak nilang may autism spectrum disorder. --FRJ, GMA News