Ibinalibag ng isang babae ang mga paninda sa isang grocery store sa Connecticut, USA matapos mawala raw doon ang kaniyang ID.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, makikitang nagsisisigaw ang babae habang inihahagis ang bawat produkto na kaniyang mahawakan.

Walang magawa ang empleyado ng tindahan na umaawat sa kaniya hanggang sa makaalis ang babae.

Lumilitaw sa report na nagalit umano ang babae nang hindi pumayag ang mga empleyado ng tindahan na i-check ang lahat ng security cameras para makita kung saan niya naiwan ang kaniyang ID.

Sa kabila ng pagwawala ng babae, nanatili namang kalmado ang mga tauhan ng establisimyento.

Hindi binanggit sa ulat kung sinampahan ng reklamo ang babae dahil sa kaniyang ginawa at pagkakasira ng ilang produkto. --FRJ, GMA News