Labis na namangha ang mga siyentipiko sa pagkakatuklas sa isang napreserbang embryo ng toothless theropod dinosaur o oviraptorosaur sa loob ng isang itlog na tinatayang 72 milyon na ang tanda sa Ganzhou, China.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing nasa "tucking" position ang embryo, o handa na sanang mapisa ang itlog, ayon sa mga eksperto.

Ito umano ang "best-preserved" na specimen ng oviraptorosaur na natuklasan.

"After careful fossil preparation, basically we see the whole skeleton very clearly. Although some body parts are still embedded inside the dinosaur egg. And we can see a very clean and well-preserved skull which doesn't have any teeth," sabi ni Fion Waisum Ma ng University of Birmingham.

Sinabi ng mga eksperto na ang mga embryo ng dinosaur ang isa sa mga pinakamadalang na fossil dahil ang mga nahanap na embryo nitong mga nakaraang taon, kulang ang mga bahagi ng katawan o 'di kaya dislocated ang mga buto.

Pinangalanan ng mga eksperto ang fossil ng dinosaur na si "Baby Yingliang," na nakalagay ngayon sa Yingliang Stone Nature History Museum.

Taong 2000 pa nadiskubre ang naturang dinosaur egg at apat na taon nang sinusuri ng mga siyentipiko sa University of Birmingham at sa China University of Geosciences.

Una namang inilathala ang findings nitong Disyembre 21.

"This is one of the best-preserved dinosaur embryos ever found and reported in science and because it is so well preserved, we can observe its posture very clearly which allows us to compare it with other dinosaurs as well as modern birds," sabi ni Ma.

Nabuhay ang mga oviraptorosaur noong Cretaceous Period sa Asia at North America, na pinaniniwalaang pinakamalapit na ninuno ng mga ibon.--FRJ, GMA News