Nauwi sa sakitan ang komprontasyon ng isang magkakapamilya dahil umano sa pinag-aagawang lote na naiwan ng kanilang padre de pamilya. Sino nga ba ang may karapatan sa naturang lote: ang mga anak o ang madrasta? Alamin.

Kuwento ni Maryan Pagunsan nang dumulog sa programang "Sumbungan ng Bayan," mayroong iniwan na dalawang maliliit na lote ang kanilang padre de pamilya na si Daniel.

Ayon kay Maryan, anak siya ni Daniel sa unang pamilya nito. At kinalaunan, nagkaroon ng ikalawang pamilya ang kaniyang ama.

Bago pumanaw ang kaniyang ama, nag-iwan ito ng dalawang lote: ang isa ay para sa unang pamilya, at isa pang lote para sa ikalawang pamilya.

Pagpapatuloy ni Maryan, kinalaunan ay ibinenta umano ng ikalawang pamilya ang lote na iniwan sa kanila ng kaniyang ama, at umalis ang mga ito.

Pero hinala niya, nang maubos na ng ikalawang pamilya ang kinita sa ibinentang lote, bumalik umano ang mga ito sa kanilang lugar at ngayon ay nais umanong angkinin ang lote na iniwan para sa kanilang unang pamilya ng kaniyang ama.

Ang naturang lote umano ay pinamamahalaan ng isa sa kaniyang kapatid na sinaktan umano at ginugulo ng kanilang stepmother.

Pero pag-amin ni Maryan, wala silang hawak na papel na magpapatunay na sa kanila ang lote na ibinigay lang umano sa kanilang ama ng isa nitong kaibigan.

Sino nga ba ang may karapatan sa lote? Panoorin ang paliwanag ng mga abogado sa video ng "Sumbungan ng Bayan."

--FRJ, GMA News