Sa social media nakilala at niligawan ng mga naging nobyo ang 23-anyos na babae sa Zamboanga del Norte. Ang limang naging nobyo niya, pare-pareho siyang iniwan at blinak [blocked] pa kapag nakita na ang tunay niyang hitsura at pati na ang kaniyang mga kapatid.

Sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Noralyn Sumiyaya na gumagamit siya ng make-up para maitago ang kaniyang tunay na hitsura.

Ang Noralyn na may make-up ang nakikita at nagugustuhan ng mga lalaking nakilala niya sa social media. Niligawan nila ang dalaga at kinalaunan ay sinagot sila.

Pero pagkaraan ng ilang buwan, na ang pinakamatagal ay isang taon, nakikipaghiwalay na sa kaniya ang lalaki at bina-blocked pa siya sa social media.

Ang hinala ni Noralyn, ang tunay na hitsura niya at ang kondisyon nilang magkakapatid ang dahilan kaya iniiwan siya ng mga naging nobyo.

Kapag wala kasing make-up, maitim ang kaniyang balat, bilugan ang mga mata, maliit ang kaniyang ilong at labi, at may kakapalan ang kaniyang balahibo sa katawan.

"Sinasabihan po nila ako na mukhang unggoy daw," saad niya. "Hindi ko po matatanggap na pinagtatawanan ako ng mga tao."

"Mahirap po na pinagtatawanan ako ng mga tao kasi masakit po para sa akin," ayon pa sa dalaga.

Maging ang mga kapatid niya na dalawang lalaki at isang babae ay halos katulad din niya ang hitsura--sina Jerry, Charito, at bunsong si Cristella.

Dahil sa kanilang kondisyon at tinatanggap na pangungutsa, hanggang Grade 6 lang ang natapos ng magkakapatid.

"Ang mga kapatid ko lang ang kakampi ko. Dahil kung magkakaibigan ako ng iba kanila lang din akong lalaitin," ani Cristella.

Kuwento ng kanilang ama, normal naman ang hitsura ng kaniyang mga anak nang isilang. Pero nagsimula raw magbago ang kanilang hitsura nang maging 10-taong-gulang na sila.

Ano nga ba ang kondisyon na dumapo sa magkakapatid at naging tampulan sila ng tukso at panlalait. May lalaki pa kayang magiging seryoso kay Noralyn sa kabila ng kaniyang hitsura?

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang buong kuwento at paliwanag ng eksperto. --FRJ, GMA News