Humihingi ng tulong ng isang inang OFW para sa kaniyang binatilyong anak na ang balat sa buong katawan, nagsusugat at nagdudugo.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing naninirahan sa Tobias Fornier, Antique ang 14-anyos na si Daxen na may matinding sakit sa balat.

Ang tiyahin na si Teresita ang nag-aaruga kay Daxen, dahil nagtatrabahong kasambahay sa Singapore ang kaniyang ina na si Daylyn.

Ang mga balat ni Daxen, namumula at laging nagdurugo. Ang kaniyang mga kuko, nangitim na at hindi na niya maisara ang kaniyang mga mata.

“Hindi ako makatulog. Kasi ‘yung sakit, nagluluha,” anang bintilyo. “Makati tapos parang mainit. Kinakamot. Mahapdi ‘pag nahahanginan.”

Para guminhawa kahit kaunti ang kaniyang pakiramdam, pinapalitan ni Teresita ang kaniyang sapin sa higaan.

Si Teresita ang nag-aalaga kay Daxen dahil hindi makauwi ang kaniyang ina na kailangang magtrabaho sa Singapore upang maibigay ang mga pangangailangan ng anak.

“Sabi raw allergy. Nagulat kami. Kasi matanggal ‘yung balat niya tapos sa loob ng dalawang araw, babalik uli na maitim,” kuwento ni Teresita sa kalagayan ng balat ng pamangkin.

Nais sana ni Daylyn na umuwi para maalagaan niya ang anak.

“Sobrang sakit sa dibdib ‘yung nagtatrabaho ka tapos ‘yung isip mo nandun. Hindi ka po maka-concentrate sa trabaho mo kasi ‘yung isip mo nandun sa anak mo,” pahayag ni Daylyn.

Sinorpresa ni Daylyn ang anak ng tawag at nangakong uuwi na siya kapag natapos na ang kontrata sa susunod na taon.

Ilang araw lang ang lumipas, kinailangan dalhin sa ospital si Daxen dahil nahirapan na rin siyang huminga. Nagtulong-tulong ang mga kapitbahay at ang MDRRMO upang mabuhat siya at maibaba sa bundok para maisakay sa ambulansiya.

Ang pagbaba pa lang patungong ambulansiya, inabot na ng dalawang oras.

Ayon sa duktor na sumuri kay Daxen, may kondisyon ang binatilyo na tinatawag na "lamellar ichthyosis," isang rare skin condition.

“Treatable naman siya. We have to keep the skin moisturized. Nag-request na kami ng mga laboratories, but we’re still waiting pa for the result,” ayon sa duktor.

Nagkaloob ang KMJS ng financial assistance para sa gamot ni Daxen. Nangako rin ang Department of Social Welfare and Development Region VI na tutulong sa hospital bills niya.

“Ayokong sumuko kasi gusto ko po nang mag-aral. Tulungan ninyo po akong gumaling,” hiling ni Daxen.

Sa mga nais tumulong kay Daxen, maaaring magpadala ng donasyon sa:

Bank of the Philippine Islands (Paseo Laguna Branch)

ACCOUNT NAME: Christopher Sacquior Eiman
ACCOUNT NUMBER: 2339 1282 54
MOBILE NUMBER: 09331238722

FRJ, GMA News