Maituturing nga bang diskriminasyon at labag sa batas na hindi tanggapin sa trabaho ang isang aplikante nang dahil lang sa kaniyang tattoo?

Sa programang "Sumbungan ng Bayan," dumulog ang isang netizen para humingi ng legal na payo tungkol sa naging karanasan niya sa inaplayang trabaho.

Aniya, matapos siyang bigyan at gawin ang napakaraming rekitos sa kompanya na kaniyang inaplyan, hindi raw siya tinanggap dahil sa kaniyang "invisible tattoo."

Sinabi ng abogado na marami na rin siyang ulat na natatanggap at nababasa na nagiging basehan ng employer na huwag tanggapin ang aplikante nang dahil sa tattoo.

Bagaman depende sa "nature" ng negosyo ng employer, sinabi ni Rojas na, "generally kung hindi naman 'yun nakakaapekto sa business, it's a form of discrimination,"

"Hindi dapat maging dahilan upang hindi i-hire, lalo na kung kuwalipikado naman 'yung aplikante. Hindi siya dapat maging dahilan upang hindi tanggapin sa trabaho," patuloy niya.

Nanawagan si Atty. Rojas na dapat itong bigyang pansin ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil isa itong klase ng diskriminasyon sa trabaho na hindi pa nabibigyang linaw ng batas, hindi katulad ng usapin ng "age discrimination."

Pagdating naman sa kuwalipikasyon, sinabi ni Atty. Rojas na karapatan itong ibigay ng isang kumpanya, ngunit dapat pantay-pantay ito sa lahat ng mga aplikante.

"This can be a subject of a new bill sa Kongreso 'yung ganitong klaseng discrimination," mungkahi naman ni Atty. Ricardo Lapesura Jr.

Dagdag pa ni Atty. Lapesura, may ilang kaso ng mga kumpanya na pinararami ang kanilang mga requirement para hindi makapasa ang isang aplikante at may layon na komulekta lamang ng fee.

"Pero kung in good faith naman 'yung mga requirements kasi gusto lang ng isang employer ay masigurado na quality 'yung kaniyang maha-hire, there's no problem," sabi ni Atty. Lapesura.--FRJ, GMA News