Naging agaw-pansin noong panahon ng kampanya ang dalawang bahay sa Barangay Loma de Gato sa Marilao, Bulacan. Ang makapitbahay kasi, naging "showy" sa pagpapakita ng suporta sa magkaibang kandidato sa Eleksyon 2022.

Si Mark Joseph Sta Cruz, naglagay ng poster ng Uniteam at nilagyan pa niya ng ilaw ang bahay ng pula at green.

Habang ang katabi niyang bahay na pag-aari ni Mario dela Cruz, sinuportahan ang krusadang kulay rosas ang bukas, at hindi rin nagpatalo sa paglalagay ng ilaw sa bahay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na ang magkaribal, hindi lang pala basta magkapitbahay kung hindi magpinsan pa.

Aminado ang dalawa na hindi maiwasan na magkaroon siya ng diskusyon kapag napag-usapan ang mga kandidatong sinusuportahan nila.

Maging sa social media, hindi rin nagpapatalo ang isa't isa. Pero ngayong tapos na ang halalan, papaano na ang kanilang samahan bilang magkapitbahay at magkamag-anak?

Matatapos na rin kaya ang magkaiba nilang pananaw sa pulitika, o nagsisimula pa lang? Panoorin ang video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA News