Dumadami ang mga nagbebenta online ang mga whitening product at nangangakong kaya raw magpaputi ng balat ng tao sa loob lamang ng tatlumpung minuto. Gaano nga ba ito katotoo?

Sa programang "Pinoy MD," sinabing isa si Jude Perez sa mga problemado sa kaniyang kutis, partikular sa kilikili niyang "makulimlim."

Tingin ni Jude, nagsimulang umitim ang kaniyang kilikili nang magsuot siya ng mga masisikip na damit noong bata pa lamang siya.

Dahil dito, naging tampulan siya ng tukso, at umabot sa puntong hindi na siya pumapasok sa eskuwelahan para maiwasan ang  pang-aasar sa kaniya.

Bumaba rin daw ang confidence ni Jude sa tuwing itinataas niya ang kaniyang braso sa basketball, o maging sa pagsakay sa pampublikong transportasyon.

Para masolusyunan ang maitim na kilikili, nagpasiya si Jude na pahiran ito ng bleaching cream.

Kahit paano naman daw ay nabawasan ang pagka-itim ng kilikili ni Jude.

Pero paliwanag ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez, ang pag-itim ng batok at kilikili ni Jude ay posibleng dahil sa kaniyang pagiging overweight.

Acanthosis Nigricans ang tawag sa kondisyon na ito.

"Karamihan sa kanila mataas ang tinatawag nilang insulin. If you have high insulin, it increases ang tinatawag na melanin production, nagkakaroon ng deposits, ng pigments doon sa areas na kadalasan na mga singit, kagaya dito sa may kilikili, batok," sabi ni Dr. Marquez.

Bukod dito, ang pagiging maitim ng batok at kilikili ay maaaring senyales din ng pagkakaroon ng isang tao ng diabetes dahil mayroon siyang insulin resistance.

Kaya naman pinayuhan si Jude na kontrolin ang kaniyang timbang.

Samantala, bumili ang programa ng bleaching scrub na nangangako ng kaputian sa loob lamang ng 30 minuto.

Ipinahid ito sa balat at sinuri pagkaraan ng 30 minuto upang makita kung talagang totoo ang ipinapangako ng nagbebenta ng produkto. Panoorin sa video ang naging resulta ng pagsusuri--natupad kaya o napako ang pangako? Alamin. --FRJ, GMA News