Ikinakatakot ng mga batang magkakapatid ang pagpaparamdam umano ng mga hindi nakikitang nilalang sa kanilang bahay, na ang hinala ng kanilang ina ay mga duwende. Bukod dito, meron din silang kasamang kapre at white lady. Totoo nga kayang pinamumugaran ng mga maligno ang kanilang tahanan?

Sa Kuwentong Dapat Alam Mo! sinabi ng ginang na si Charmin na madalas daw silang bulabugin ng mga hindi pangkaraniwang nilalang.

"Alas dos ng madaling araw, tatlong duwende talaga 'yung nakita ko. Tumakbo sila dahil nagising ako. Maliliit talaga siya na tumakbo sa pintuan namin," sabi ni Charmin.

Dahil dito, nakararamdam din ng takot ang kaniyang mga anak, Ang isa sa mga bata, may nakita rin daw na white lady.

Sinubukan ni Charmin na magpatawas, pero hindi umano napaalis ng albularyo ang mga misteryosong nilalang.

Nang suriin ng paranormal researcher na si Ed Caluag ang kanilang bahay, sinabi pa ni Charmin na bukod sa mga duwende, mayroon daw silang kasamang kapre at white lady, base sa pahayag ng mga albularyo na bumisita sa kanila noon.

Gamit ang isang basong tubig at posporo, sinuri ni Ed ang isa sa mga anak ni Charmin na nagkasakit dulot umano ng engkuwentro sa mga kakaibang nilalang.

Nagpalagay din si Ed ng mga papel sa mga sulok ng bahay. Papatakan niya ito ng langis saka iilawan ng kandila para makita kung may mabubuong imahe ng elemento.

Makumpirma kaya ni Ed na may iba pang kasama ang pamilya ni Charmin na nakikipaglaro umano sa kaniyang mga anak? Tunghayan ang buong kuwento sa video.-- FRJ, GMA News