Napaulat kamakailan ang paninipa ng isang high school teacher sa isa niyang estudyante sa Cagayan de Oro City. Ano nga ba ang maaaring kaharapin ng isang guro na nananakit ng mga estudyante?

Sa Kapuso sa Batas, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion na sa ilalim ng Article 233 ng Family Code, ipinagbabawal sa mga paaralan ang corporal punishment, o anumang makakasakit sa katawan tulad ng tadyak, sampal, kurot, o pagluhod sa munggo.

Sa ilalim naman ng DepEd Child Protection Policy, nakapaloob ang zero tolerance policy na ipinagbabawal na kahit anong klase ng pang-aabuso, pisikal man, sa pananalita, seksuwal o sikolohikal.

Ayon naman sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law, ang pang-aabuso sa mga bata ay kahit anong pagmamaltrato, minsan man ginagawa o paulit-ulit.

Kaya naman ang pananadyak o panunuhod na nakita sa video ay paglabag sa physical violence ng polisiya.

Pagdating naman sa pasalitang pang-aabuso, ipinagbabawal ang name-calling o pagbansag ng mga pangalan tulad ng "boba", "tamad," "hayop ka" o "tanga." Kabilang din dito ang paninigaw, kung magdudulot ito ng mental o emotional suffering ng bata.

Kung mapatunayang nang-abuso ng pisikal o pananalita, maaaring makatanggap ng reprimand, suspension o matanggalan ng lisensya ang isang guro.

Sa ilalim pa ng Revised Penal Code, maaari ring makasuhan ang gurong nananakit sa bata, kung saan maaari siyang ireklamo ng "slander by deed" kung ginawa niya ito para mapahiya ang bata sa mga kaklase.

Ang mga lumalabag sa Child Abuse Law ay maaaring makulong ng anim na taon at isang araw, hanggang walong taon.— FRJ, GMA News