Ipinagtapat ni Bea Alonzo na nasaktan siya sa ginawang panayam noon ni Boy Abunda kay Gerald Anderson tungkol sa kanilang hiwalayan. Ang King of Talk, humingi ng paumanhin na nasaktan niya ang aktres.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, binanggit ni Tito Boy na nangyari ang kaniyang interview kay Gerald noong 2021.

Habang ginagawa niya ang naturang interview, sinabi ng host na naisip din niya si Bea.

"At the back of my mind, I was thinking about you. That is the truth. Sabi ko, 'How will Bea feel?'" anang King of Talk.

Dahil dito, tinanong niya si Bea, "Gusto ko lang malaman Bea. Nagtampo ka ba sa akin?"

Sagot ni Bea, "Oo, kasi tao lang ako Tito Boy. Pero I'm so glad na sinabi mong iniisip mo ako. Kasi 'yun ang tumatakbo sa isip ko noon, na parang, 'Iniisip kaya ako ni Tito Boy? Kung ano ang nararamdaman ko?'"

"I was," tugon ni Tito Boy.

Matapang namang inilahad ni Bea na hindi umano nagsasabi ng totoo si Gerald noon sa interview.

"Siyempre tao lang ako, kahit sino siguro ang mag-interview sa kaniya at that time, it would hurt, especially kung half the time he wasn't telling the truth," patuloy ng aktres.

Sinabi ni Bea na tumutugon lamang siya sa tinatanong sa kaniya tungkol kay Gerald dahil naging parte rin ito ng kaniyang buhay.

"Doon po sa pagtatampo ko sa inyo, at first, of course I'm human. Yes masakit sa akin. I was crying, nasa farm kami noon. But then tao rin ako at natututo ako, I realized it's part of your job, and as a great interviewer, alam ko na bawat sides of the story kailangan mong malaman," anang Kapuso actress.

Biro ni Bea kay Tito Boy, hindi na niya kailangan pang ilahad ang kaniyang panig tungkol sa hiwalayan nila noon ni Gerald.

"And you actually asked me if I was willing to share my story but I opted not to. But I appreciate that also. But kung gagawin natin ngayon Tito Boy, huwag na siguro. Charot!" natatawang sabi ni Bea.

Humingi naman ng paumanhin si Tito Boy kay Bea.

"That brings me now to an apology. I apologize," sabi ni Tito Boy. "Maraming salamat for saying yes to this guesting pero I apologize dahil nasaktan kita. I know I was doing my job but yes I was thinking about you."

Gayunman, hiningian ni Tito Boy ng paglilinaw si Bea kung paano nasabi ng aktres na hindi umano nagsasabi ng totoo si Gerald.

"Siguro 'yung pinakamalaking pagsisinungaling niya was that he never ghosted me, because he did," sabi ni Bea.

Diretsahang tinanong ni Tito Boy kung kaya ba ni Bea na makipagkaibigan kay Gerald sa hinaharap.

"Hindi because I cannot, I can never be friends with somebody I cannot trust and somebody who doesn't take responsibility for his actions. So siguro hindi," tugon ni Bea.-- FRJ, GMA Integrated News