Sa kabila ng malamig na panahon sa Benguet, may isang lugar dito na dinadayo ng mga tao dahil sa umuusok at kumukulo nitong batis na kung tawagin--"Badekbek."

Ang Badekbek ay salitang Ibaloy na kumukulo, ay matatagpuan sa Bokod, Benguet, ayon sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Sa main road pa lang ng Barangy Daklan, malalanghap na umano ang hindi kaiga-igayang amoy na tila bugok na itlog.

Tinatayang halos isang oras ang layo ng Badekbek mula sa jump off point ng dinadayo ring Mt. Pulag, ang pinakamataas na bundok sa Luzon.

Sa entrada patungo sa kumukulo at umuusok na batis, makikita ang mapuputing bato. At kapag narating na ang mismong lugar, makikita na ang isang batis na kumukulo ang kulay putik na tubig.

Mayroon pang isang batis sa lugar na tinatayang nasa hanggang 10 metro ang lawak, na siyang pinapayagan na lubluban ng mga tao.

Ang ilan sa mga nakapaglublob sa batis na ito na kulay putik din ang tubig, sinasabing nakatutulong umano ito sa kanilang problema sa balat, at nakapagpapagaling daw kaagad ng sugat.

Pero ayon kay Dr. Antino Pescador Jr., Internist-Endocrinologist, walang medical study na magpapatunay na nakagagamot ng sugat ang ganoong klase ng batis.

Babala niya, maaaring magdulot ito ng panganib dahil maaaring maimpeksiyon ang sugat.

Bukod sa mga naglulublob sa batis, may kumukuha rin ng putik doon at inilalagay sa kanilang mukha o ginagawang mudpack.

Ang nakasubok na, sinasabing kuminis ang kanilang kutis at nawala ang tigyawat.

Ayon kay Dra. Emehly Revilla, dermatologist, nakatutulong daw talaga ang ganooring uri ng putik upang malunasan ang mga sakit sa balat gaya ng acne, tigyawat, psoriasis, eczema at rashes.

Maganda rin daw ang naturang uri ng putik sa buhok. Pero paalala ni Revilla, hindi raw dapat gamitin ang naturang putik kung mayroong sugat sa balat.

Napag-alaman na ang batis na umuusok at kumukulo ay isa talagang sulfur spring.

Ayon kay Rhoda Fernando Joseph, apo ng may-ari ng lupang nakasasakop sa sulfur spring, ibinibigay na nila ito sa lokal na pamahalaan upang mapaganda at magamit sa turismo.

Ngunit bakit nga ba kumukulo at umuusok ang tubig doon? Mayroon nga bang bulkan sa lugar? Alamin sa video ang paliwanag ng mga eksperto. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News