Paalala sa mga magulang na may mga anak na mahilig sa bulaklak na inilalagay sa tenga. Sa Vietnam, nagulat ang isang duktor nang madiskubre niya na may tumubong  "seedling" o buto ng bulaklak sa loob ng tenga ng isang bata na dahilan ng pamamaga nito.

Sa video na mapapanood sa GMA News Feed, sinabing dinala ang 10-taong-gulang na bata sa isang ospital sa Hung Yen matapos dumaing ang pasyente ng pananakit ng namamaga niyang tenga na may kasamang pangangati.

Pero dalawang linggo bago nito, napag-alaman na naglaro ang bata sa halamanan at namitas ng mga bulaklak na inilagay niya sa tenga.

Nang suriin ng doktor ang bata, nakita niya na mayroong apat na seedling na tumubo sa loob ng tenga nito.

Maingat na tinanggal ng doktor ang mga seedling pero hindi naging madali ang pagbunot sa isa na nagkaroon na ng ugat sa ear canal.

Nang matapos ang procedure na ginamitan ng endoscopre, bumuti na ang lagay ng bata at walang naging komplikasyon.

Hinala ng duktor, may mga buto ang bulaklak na pinitas ng bata at aksidenteng napunta sa loob ng tenga nito.

Hindi raw imposible na umusbong ang seedling o ang mga buto ng halaman sa loob ng tenga ng tao, lalo na ang mga nakatira sa humid o mainit na lugar.

Ang pagligo ay nagbibigay umano ng moisture o pagkabasa sa loob ng tenga, na sapat na kondisyon para tumubo ang buto.--FRJ, GMA Integrated News