Ang maliit na tila bato na kulay orange na inakalang walang halaga kaya itinapon pa noong una ng isang lalaki sa Thailand, lumitaw na isa palang pambihira at pinakamahal na uri ng perlas sa mundo.
Sa video ng GMA News Feed, ikinuwento ni Amorn Prakongkwan, 54-anyos, na bumili siya ng dalawang kilo ng suso para kainin at pulutanin.
Pero nang malinis na niya ang mga suso at pakuluan, may nakita siyang maliit na tila bato na kulay orange sa kawali.
Dahil inakalang walang pakinabang, itinapon niya ito noong una. Pero muli niyang kinuha nang mapagtanto na baka perlas iyon.
At hindi siya nagkamali. Dahil nang ipasuri niya ito sa Gem and Jewelry Institute of Thailand, lumitaw na ang maliit na bato ay ang pambihira at pinakamahal na perlas sa mundo-- ang Melo pearl.
Inaabot umano ng dekada bago mabuo ang ganitong uri ng perlas sa loob ng Volutidae o Melo snail. Ang halaga nito ay umaabot ng $1,500 per carat o katumbas ng mahigit P80,000 per carat.
Ang perlas na nakuha ni Amorn sa kaniyang pinulutan na suso, umaabot ang halaga ng $15,600 o katumbas ng P855,000. Pero posible pa raw itong tumaas depende sa bibili.
Si Amorn, plano na itaas ang presyo ng kaniyang perlas ng $29,000 o P1.5 milyon. Umaasa siyang makatutulong ito para makaahon sila sa kahirapan. --FRJ, GMA Integrated News