Nagsalita na at nagbigay ng kaniyang bersiyon ng pangyayari ang tatlong suspek na sakay ng motorsiklo na hinabol ng dalawang rider matapos umanong mangholdap ang mga estudyante.  Giit ng mga suspek, hindi holdap ang nangyari. Ang kanilang mga biktima, nagbigay din ng pahayag at pinasalamatan ang mga tumulong sa kanila.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing nangyari ang insidente pasado 8:00 pm noong Abril 1. Binabaybay ng rider na si Jett Lau at ng kaniyang misis ang Mindanao Avenue sa Quezon City, nang humingi sa kaniya ng tulong ang food delivery rider na si Francis Minas Jr., para habulin ang isang motorsiklo na may tatlong sakay na lalaki na nangholdap umano ng mga estudyante.

Makalipas ang ilang saglit, naabutan nina Jett ang tatlong lalaking suspek na mga walang suot na helmet at humaharurot sa Mindanao Avenue.

Sinubukan ni Jett kausapin ang tatlo ngunit hindi nagpatinag ang mga ito. Kaya binalak na lamang ng mag-asawa na makunan ang mga mukha ng suspek at ang plaka ng motorsiklong ginamit ng mga ito.

Ang nagpatulong na food delivery rider na si Minas, nagawa pang sipain ang motor ng mga suspek pero nabigo siyang mapatumba ito.

Umabot hanggang Zabarte Road ang habulan, hanggang sa tuluyang makatakas ang tatlo. May nakita namang awtoridad sina Jett at inireport nila ang insidente.

Ayon sa mga biktimang sina “Mark” at “Patricia,” hindi nila tunay na pangalan, tinutukan sila ng patalim ng mga suspek at nagdeklara umano ng holdap.

Kinuha umano ng mga suspek ang kanilang mga bag. Pero nang makakuha ng tiyempo si Mark habang papaalis ang tatlo, pinagbabato niya ang mga ito hanggang sa mabitawan ang kaniyang bag.

Pero ang bag ni Patricia, natangay. Ayon sa dalaga, laman ng bag ang kaniyang school requirements, ID, wallet at cellphone.

Dahil nag-viral video na kuha nina Jett, at nakita ang mukha ng mga suspek na sina Patrick Santos, Blasel Vacaro, at  Jhonrick Baran,  isinuko sila ng kanilang mga ina sa mga awtoridad sa takot na may masamang mangyari sa mga ito.

Inilahad ng mga suspek ang bersyon ng kanilang pangyayari.

“Nagkayayaan kaming uminom tapos nag-trippings. Hindi inaasahang pagkakataon, timing na nakita ko ‘yung may utang sa akin. Pagtakbo po niya, sumigaw po ng ‘Magnanakaw! Holdaper! Tulong!’ Binigay ‘yung bag ng babae,” sabi ni Santos.

“Wala pong nangyaring panunutok. Nagawa ko lang pong ilabas ‘yung kutsilyo po na iyon na ginamit panghagis, noong time na binabato na po kami,” pagdepensa pa niya..

Ayon naman kay Vacaro, “Kung holdap po ‘yun bakit hindi pa po kami nag-face mask? Eh palapit pa lang po kami bigla siyang tumakbo. Natakot po siguro ‘yung babae, inabot sa amin ‘yung bag.” .

Ngunit hindi naniniwala sa kuwento ng mga suspek ang pulisya.

“Holdap po talaga. Maaaring dahilan niya lang po kasi ‘yun,” sabi ng imbestigador na si Police Staff Sergeant Emmanuelle Guting.

Pakiusap ni Vacaro sa mga biktima, mapatawad sila dahil "hindi naman sila nasaktan eh.”

“Pasensya po, nadala lang yata kami sa inom,” sabi ni Baran.

“Humihingi po ako ng kapatawaran sa vlogger at saka sa complainant po. Sana iurong niyo po ‘yung kaso po sa akin,” pakiusap ni Santos.

Gayunman, wala raw plano ang mga biktima na iurong ang kaso laban sa tatlo para hindi na ulitin sa iba ang ginawa sa kanila.

Personal na rin nilang nakita at pinasalamatan ang mga rider na inilagay ang sariling buhay sa alanganin upang matulungan sila. Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News