Matapos matakasan noon ang kaguluhan sa Mindanao at mapadpad sa lalawigan ng Quezon, ang kahirapan naman ang patuloy pa ring hinaharap ng 76-anyos na lola na si Jalalia Subura.
Sa kaniyang edad, patuloy na kumakayod si Lola Jalalia para matulungan ang kaniyang mga anak at mga apo.
Sa isang maliit na kubo sa Lucena nakatira ang pamilya ni Lola Jalalia. May mga trabaho naman ang ilan sa kaniyang anak na nagtitinda pero hindi sapat ang kanilang kita para sa gastusin nila sa pang-araw-araw.
May dalawang apo rin si Lola Jalalia na pinag-aaral niya dahil may kapansanan sa paningin ang ina ng mga bata kaya hindi makapaghanapbuhay.
Kaya pagsapit ng madaling araw, si Lola Jalalia, lalamanan ng mainit na kape ang kaniyang sikmura, at saka sasakay na mag-isa sa maliit na bangka at magsasagwan ng halos 30 minuto upang makarating sa pinakamalapit na pantalan.
Dito, itatabi niya ang kaniyang bangka sa nakahimpil na pampasaherong barko upang manghingi ng limos sa mga tao. Ang mga ihuhulog na barya, sasaluhin naman ni Lola Jalalia gamit ang sako na mayroong kawayan.
Maliban sa alon, kalaban din ni Lola Jalalia sa kaniyang pamamalimos ang mga guwardiya sa pantalan. Pinagbabawalan siyang mamalimos sa mga barko dahil sa pangambang madisgrasya siya.
Pagkaraan ng ilang oras na pamamalimos, pinaalis na ng mga bantay sa pantalan si Lola Jalalia. Sa mga sandaling iyon, nakakaramdam na rin siya ng gutom.
Dahil sa matagal na pagkakaupo sa bangka, sumasakit na rin ang kaniyang mga tuhod. Nang sandaling iyon, kumita si Lola Jalalia ng P74 mula sa kaniyang panlilimos.
Ang pera, ibinili niya ng isda at mangga sa palengke na pinagsaluhan nila sa bahay. Hirap man sa kaniyang pamamalimos, kailangan itong gawin ni Lola Jalalia para sa kaniyang pamilya.
Pero magkakaroon ng bagong pag-asa si Lola Jalalia upang kahit papaano ay gumaang ang hirap na kaniyang nararanasan.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan, pinagkalooban si Lola Jalalia ng puhunan upang makapagtinda. May magkakaloob din ng monthly educational allowance sa kaniyang mga apo.
Tunghayan ang buong kuwento ng buhay ni Lola Jalalia sa video na ito ng "Kapuso Mo, Jessica Soho." --FRJ, GMA Integrated News