Dahil sa kakapusan sa pera, pati P10 footlong hotdog ay kailangan utangin ng isang ginang para mayroon maiulam ang kaniyang pamilya. Pero nakaahon sa pagkakabaon sa utang ang ginang sa tulong ng kaniyang kakanin business na nasimulan niya sa tulong ng perang ayuda noong kasagsagan ng pandemya. Tunghayan ang nakabibilib niyang kuwento.

Sa programang “Pera Paraan,” itinampok ang kuwento ni Maria Theresa Esguerra o mas kilala bilang si “Mommy Esang,” na nagbebenta ng mga kakanin gaya ng puto, cassava cake, sapin-sapin, biko, maja blanca, pichi-pichi, nilupak at marami pang iba sa Caloocan City.

Ayon kay Esguerra, nasa 25 varieties na ang mga ibinibenta nilang item, na naglalaro sa P35 hanggang P80 kada tub.

Sinimulan ni Esguerra ang kaniyang kakanin business at ginamit ang P3,000 na puhunan na nakuha niya mula pa sa ayuda.

“Ang ganda ng business ng online noon, ang lakas namin, ang daming umu-order,” sabi ni Esguerra.

Hanggang sa may makitang maliit na puwesto si Esguerra at ginawa niya itong tindahan. Nagsimula siya sa apat na produkto, at nang tumaas ang kanilang benta, doon na siya nagdagdag pa ng mga produkto.

Noong wala pang negosyo si Esguerra, nagtatrabaho ang kaniyang mister bilang isang promodiser samantalang isa siyang house wife, habang pinalalaki nila ang isa nilang anak.

“‘Yung sahod niyang minimum ang hirap pagkasyahin. Plain housewife lang din talaga ako. Nahihirapan kami kasi naggagatas ‘yung anak ko, nagda-diaper. Malayo ‘yung pinapasukan niya so kailangan niya ng allowance sa pamasahe. Wala na ‘yung pambayad ng kuryente, pambayad ng tubig, pagkain namin, hindi siya umaabot ng 15 days sa sinasahod niya,” sabi ni Esguerra.

Dahil dito, nangungutang at nagsasangla ng ATM si Esguerra at ang kaniyang asawa. Nauubos ang sahod ng kaniyang mister sa pambayad sa utang, ngunit kakapusin at mangungutang silang muli.

Ikinasakit ng loob ni Esguerra na maging ang kaniyang anak ay nauutusan niya para mangutang.

“Parang may trauma na nga rin ‘yung panganay ko sa utang kapag nakakarinig ng ‘Kumuha ka muna, babayaran ko mamaya.’ Ayaw niya. Awang awa ako sa kaniya, sa sitwasyon namin noong time namin nu’n, kaso wala ka talagang choice eh,” sabi ni Esguerra.

Inalala pa ni Esguerra noong minsang kinailangan pa nilang mangutang ng P10 na footlong hotdog para magkaroon ng ulam sa tanghalian.

Hanggang sa umabot na ng P20,000 ang pinagsama-samang utang nina Esguerra, at hindi rin sila makabayad ng renta.

Pitong beses silang lumipat ng bahay dahil pinalalayas sila sa kanilang inuupahan.

Nagdesisyon si Esguerra na pumasok sa mga trabaho, gaya ng service crew at pagiging labandera.

“Wala na akong pakialam eh, parang na-immune na ako sa kahihiyan sa mga utang utang. Wala na akong choice eh, kundi maglalaba na lang ako,” sabi ni Esguerra.

Ngunit nabago ito nang magkanegosyo si Esguerra.

Kaya ang dating mga pinalalayas sa inuupahang bahay, nakapaghuhulog na ngayon sa pinapangarap nilang house and lot sa Bulacan. Nakabili na rin sila ng motor at nakapagpundar ng mga gamit sa tindahan.

Nabayaran na rin nila ang kanilang mga utang.

Hindi na rin nila kailangan pang mangutang muli dahil kumikita ang kaniyang negosyo ng P80,000 kada buwan.

Hindi naman nakalimot sina Esguerra sa mga taong tumulong sa kanila, kaya sila naman ngayon ang nagbabalik ng tulong.

“Advice ko sa may mga pinagdaanan na kagaya sa amin na maraming utang, hanap pa rin kayo ng way para kumita ng pera basta sa malinis na paraan para mabayaran niyo nang unti-unti. Totoo talaga ang kasabihan na kapag may utang ka, hindi ka makakaahon, ang bigat sa buhay kapag meron kang utang,” sabi ni Esguerra. -- FRJ, GMA Integrated News