Bata pa lang, natuto nang magbanat ng buto sa sakahan si Mar Dio na mula sa Mindanao. Sa kaniyang pagbibinata, kung anu-anong trabaho ang pinasok niya tulad ng paggawa ng hollow blocks at naging construction worker. Hanggang sa nagbunga ang kaniyang pagsisikap at ngayon ay isa na siyang milyonaryo at may sariling construction company. Paano niya ito nagawa? Alamin ang kaniyang kuwento at gawing inspirasyon.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing dalawang-taong-gulang lang si Mar nang maulila sila sa ama ng dalawa pa niyang kapatid.
Dahil sa pagkawala ng kanilang ama, labis itong dinamdam ng kanilang ina na nakaranas ng matinding depresyon.
Nang hindi na sila maalagaan ng kanilang ina, nagkahiwa-hiwalay sila na magkakapatid dahil kinupkop sila ng kanilang mga kamag-anak.
Si Mar, napunta sa pangangalaga ng kaniyang lola. Upang makatulong, natutong magsaka at mag-uling ang batang Mar.
Dahil sa naturang karanasan, naiyak daw si Mar nang mapanood niya ang kuwento ng batang si Raymart na kinailangan ding kumayod sa murang edad at magsaka para sa pamilya.
Kinalaunan, napunta si Mar sa isa pang kamag-anak na nagpaaral sa kaniya.
Upang hindi maging masyadong pabigat dahil mayroon din pamilya ang kaniyang kamag-anak, nagsa-sideline si Mar sa paggawa ng hollow block para may pambaon sa high school.
Gayunman, nakatikim pa rin si Mar ng masakit na salita na sariwa pa rin sa kaniyang alaala.
"Ang sakit na sabihan ka nang kamag-anak mo na mas maganda pa na mag-alaga ng baboy. Kasi yung baboy kapag pinakain mo magkakapera," saad ni Mar. "Inihalintulad ako sa isang baboy. Ang value ko pala mas mababa pa sa baboy. Hindi ko na 'yon natiis."
Nang nakatapos ng high shcool, naglayas si Mar at nagtrabaho sa isang construction site para matustusan ang kaniyang pangangailangan at para na rin sa kaniyang lola na lumalabo na ang paningin noon.
Kahit hindi nakapagtapos ng kolehiyo, nagsikap pa rin si Mar at nakapasok sa book industry at nagbenta siya ng dictionary at encyclopedia.
"Doon ko nakita ang sarili ko na may pera pala talaga kung magsipag ka o marunong kang dumiskarte sa buhay," sabi ni Mar.
Hanggang sa pinakasalan ni Mar ang nobyang si Lovely, at nagkaroon sila ng dalawang anak.
Ayon kay Lovely, ayaw ni Mar na maranasan nilang mag-iina ang hirap na naranasan nito noon.
Kaya naman ginawa raw ni Mar na pagsabay-sabayin kung ano man ang puwede niyang pagkakitaan.
Nagbenta siya ng ice candy, nag-networking at naging ahente ng mga financial institution at pumasok sa buy and sell.
Hanggang sa naglakas-loob siya na magtayo ng contruction business na nagsimula sa isang truck na kaniyang inutang para maghatid ng mga graba at buhangin.
At mula dito, ang dating bata na nagsasaka na naging tagagawa ng hollow blocks, construction worker, at kung ano-ano pa, ngayon, isa nang milyonaryo na may magandang bahay, rest house, at mga mamahaling sasakyan.
Sa kabila ng kaniyang tagumpay sa buhay, si Mar, hindi naniniwala na "destiny" ang nangyari sa kaniya.
"I don't believe in destiny. All we have is a choice. Pinaghirapan, pinagpaguran, nagsakripsyo, choice mo 'yon hindi destiny," paliwanag niya.
Tunghayan ang buong kuwento at alamin kung paano nga ba nabuo ng isang batang maagang nagbanat ng buto ang matayog niyang mga pangarap? Panoorin ang video. --FRJ/KG, GMA Integrated News