Muntik nang mauwi sa hiwalayan ang isang mag-asawa sa San Jose del Monte, Bulacan nang malugi ang una nilang negosyong panaderya. Pero nakabawi sila nang pasukin ang negosyong peanut butter na kaya nang kumita ngayon ng P100,000 kada linggo.
Sa isang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang Pamana Peanut Butter ng mag-asawang Rowena Garcia at Leon Garcia Jr.
Kuwento nila, na-bankrupt noon ang kanilang bakery business nang mapasama sila sa bidding ng mga malalaking project. Hindi nila inasahan na dapat pala ay may malaki silang kapital dahil hindi kaagad makasingil.
Hanggang sa magkapatong-patong na ang koleksiyon at umabot na sila sa sisihan. Hanggang ang pagtatalo sa kanilang negosyo, muntikan pang mauwi sa hiwalayan.
Ngunit dahil sa kanilang pananalig sa Panginoon, nanatiling buo ang kanilang pamilya. Muling silang nag-isip ng bagong negosyo dahil pareho silang walang inaasahang trabaho.
Sinimulan nina Leon at Rowena ang kanilang peanut butter business sa likod lang ng kanilang likod-bahay noong 2018.
Natuklasan nilang hindi madaling gawin ang inakala nilang simpleng produkto lamang na peanut butter.
“Kasi marami ka pang dapat aralin. Hindi lang pupuwede na basta gawa ka lang nang gawa. Kailangan ibigay mo lahat ng kaya mo,” sabi ni Leon.
Ilan sa mga prosesong kanilang pinagdaanan ang pagsangag at paggiling ng mani. Sa umpisa, si Leon ang nagdedeliver ng order kahit pa dalawang jar lang sa kabilang bayan. Binubuhat din niya ang 75 jars sa Batangas City nang naka-commute.
Ipinaliwanag ni Rowena na “Pamana” ang napili nilang brand ng kanilang peanut butter dahil may kaugnayan ito sa kanilang pananalig.
“Noong una ang sabi niya ‘Mommy ang corny naman ng ‘Pamana,’ masyado namang lokal. Sabi ko sa kaniya, ‘Daddy alam mo sa akin, malaki ang magiging impact nito. Kasi ‘yung pamana, short word ‘yan para sa dalawang salita. ‘Pa’ — palaging + ‘Mana’ — Manalangin. Noong time na sobra- sobra ‘yung nangyaring breakdown sa buhay natin, hindi naman tayo talaga gumive-up,” sabi ni Rowena.
Sa kanilang P75,000 na puhunan, naging patok ang kanilang produkto at nakapag-invest na sila ng mga sarili nilang makina.
Nagsimula sa isang post online ng mag-asawa ang paglago ng kanilang peanut butter business.
May ilang customer na nagtiwala agad at nag-order ng marami, at may referrals ding pumasok.
Mula sa tatlong kilong mani, nakauubos na sina Leon at Rowena ngayon ng 600 kilo o 12 sako ng mani kada araw.
Dahil sa peanut butter, mayroon na rin silang dalawang ektaryang farm, bukod sa 200 square meters na factory.
Umaabot sa 3,600 na bote ng peanut butter ang naibebenta nila kada linggo.
Naibebenta nila ang kanilang peanut butter mula P82 hanggang P193, depende sa laki. Ang kanila namang keto at crunchy peanut butter, nasa P178 hanggang P183 ang presyo.
May reseller package rin sila na mula P1,920 hanggang P4,764 o 20 hanggang 30 bote kada box.
Ngayon, kumikita na umano sina Rowena at Leon ng P100,000 kada linggo.
“Hindi lang inayos ang kabuhayan namin, pati ‘yung pagsasama namin. Nagkakaintindihan na kami ngayon, isa na lang ‘yung goal namin. Hindi na nalalayo sa sitwasyon na maging inspirasyon. Alam kong malayo pa, pero from 2018, malayong malayo na,” sabi ni Rowena.
Panoorin ang video at alamin kung papaano ginagawa ang Pamana peanut butter. --FRJ, GMA Integrated News